Abante Tonite Interactive

Bangungot sa Cebu Pacific!

By
1,209

Hindi ko na masikmura ang panggogoyo sa akin, at sa marami pang mga pasahero ng Cebu Pacific Air.

Una akong nabiktima nang magkober ng 2016 Philippine National Youth Games Championships/Batang Pinoy sa Tagum City, Davao del Norte.

Kabisado pa natin, isang oras pa ang pagitan sa lipad ko nang dumating sa Manila Domestic Airport. Palapit ako sa counter para sa check-in. Pero palapit pa lang, isang kawani ng airline ang nagsabing late na raw ako at puno na sila. Hindi na raw ako maa-accommodate.

Abante Hiring – IT dep

Tinanong ko kung pwede ipa-rebook ang ticket na mula sa Philippine Sports Commission. Sabi ng babae sa counter hindi na raw. Void na aniya. Wala akong naisagot kundi tumalikod na lang. At may panghihinayang.

Tinawagan ko noon si PSC Travel Unit head Ma. Matea ‘Maita’ Linco at sinabi kong hindi ako pinasakay ng Cebu Pacific dahil late na raw ako.

Sinabi kong pakiasikaso niya ako at ako na lang ang mamasahe sa sarili ko makoberan lang ang maaga kong obligasyon sa Batang Pinoy. Naibili niya ako ng ticket at ako na ang nagbayad sa halagang P6,000 para makarating pa rin ako sa Tagum.

Sa isa pang biyahe makalipas ang ilang buwan, may isang oras at kalahati pa at nasa counter na ako nang ayaw akong i-check ng isang CPA staff sa counter. Late na rin daw ako. Pero sinabi kong confirmed flight reservation ang ticket ko.

Halatang napahiya, sinabi ng empleyado na patingin ng ticket ko. Pinakita ko at nagpaumanhin siya sa akin. Pagpasok ko hanggang sa boarding area, nakapila pa lang pala ang mga pasahero.

Nitong Huwebes, lima kaming Manila-based media, Aira Mallare at Ronnel Tabamo ng PTV-4, Angelito Oredo ng Bandera, Anita Abad ng Balita at ang inyong lingkod ang mga nabiktima ng kalokohan na naman ng mga manggagawa ng Cebu Pacific habang papunta ulit kami ng Tagum upang koberan naman ang Indigenous People’s Games.

Sira ang online check-in nila bago mag-counter. Sa ilang attempt namim, ayaw talagang gumana. Kaya nag-counter check na lang kami ng aking kasama. Minalasado kami doon pa lang kahit halos 2 oras pa bago ang oras ng lipad namin.

Ayaw gumana ng scanner sa pagtapat ng ticket at boarding pass namin. Pinag-antay kami nang matagal pinaubos ang pagkahabang-habang pila. Saka kami inasikaso. At iuupo pa kami sa pinakadulo ng eroplano.

Pero nabuking namin na nag-online check-in na kami sa umaga pa lang kahit gabi ang flight namin. Tulad na rin pala noong 2016 nang i-online check na rin ako ng aking kasama. Hindi lang ako nakasagot nang maayos dahil di ko pa alam noon.

Hindi lang ‘yan, may nakaupo sa silya namin. Maayos naming kinausap at umalis naman. Sinabi nilang nabili nila ang upuan sa CPA.

Alam kaya ng boss nilang si Lance Gokongwei ang kabulastugan ng mga kawani ng CPA? Biruin ninyong nakatatlong bangungot na sa akin ang airline na ito.

Bukas po ang pitak na ito para sa inyong panig.