Sa gitna ng mabilis na pagbabago sa pandaigdigang pulitika, muling tumingkad ang usapin ng “nuclear energy” at seguridad. Ang Iran, na matagal nang nasa ilalim ng International Atomic Energy Agency o IAEA Safeguards Agreement, ay patuloy na minamatyagan at binabakuran ng international community.
Ngunit matapos umatras ang Estados Unidos sa Iran nuclear deal o JCPOA noong panahon ni US President Donald Trump, lumalim ang agam-agam: ginagamit ba ng Tehran ang enerhiya para sa kapayapaan, o may nakatagong layunin?
Resulta, hindi rin nagpapahuli ang Saudi Arabia. Sa kanilang ambisyon na magkaroon ng sariling programang nukleyar, lumilitaw ang tanong: ito ba’y para sa modernisasyon ng enerhiya, o bahagi ng mas malawak na kompetisyon sa rehiyon?
Ang Riyadh, na matagal nang kaalyado ng Washington, ay tila nagbubukas ng bagong yugto na maaaring magbago sa balanse ng kapangyarihan sa Gitnang Silangan.
Para sa Pilipinas, mahalagang suriin ang mga pangyayaring ito. Hindi tayo direktang kasali sa mga kasunduang nukleyar, ngunit ang epekto ng mga desisyon ng malalaking bansa ay ramdam sa ating ekonomiya at seguridad.
Kapag lumala ang tensyon sa Gitnang Silangan, tataas ang presyo ng langis—at alam nating lahat kung gaano kabigat ang pasanin nito sa ordinaryong mamamayan. Ang bawat pagtaas ng petrolyo ay may domino effect sa pamasahe, bilihin, at sa kabuhayan ng bansa.
Ngunit higit pa sa presyo ng langis, may isa pang malupit na katotohanan: ang epekto sa milyong mga OFWs na nagta-trabaho sa Gitnang Silangan.
Sa tuwing lumalala ang kaguluhan sa rehiyon—mula sa digmaan hanggang sa tensyon sa pulitika—ang mga Pilipinong manggagawa ang unang naaapektuhan.
Ang pangamba sa seguridad, ang posibilidad ng sapilitang paglikas, at ang banta sa kanilang kabuhayan ay nagiging bangungot hindi lamang para sa kanila kundi para rin sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Ang bawat gulo ay may katumbas na pangamba, kawalan ng kita, at agam-agam kung paano na ang susunod na remittance na inaasahan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kaya’t nararapat lamang na maging mapanuri ang pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa mga bansang may interes sa nukleyar. Hindi sapat ang basta-basta na “energy cooperation” kung hindi malinaw ang safeguards.
Ang teknolohiya, gaano man kapaki-pakinabang ay may kasamang panganib kung walang malinaw na regulasyon at pananagutan.
Ang nukleyar ay simbolo ng modernisasyon, ngunit maaari rin itong maging mitsa ng kaguluhan.
Para sa Pilipinas, ang hamon ay manatiling nakapuwesto sa gitna—nakikinabang sa teknolohiya, ngunit hindi nalulunod sa panganib ng geopolitika. Sapagkat sa bawat desisyon ng mga malalaking bansa, tayo ang unang tatamaan sa presyo ng bigas, pamasahe, kuryente, at higit sa lahat, sa kapalaran ng ating mga OFWs na napakalaki ng ambag at bahagi para mapanatiling palaging may laman ang ‘palabigasan’ ng bayan.











