Abante Tonite Interactive

Bank teller ginahasa, pinatay tinangkang sunugin

Part 2

By
1,138

Si Mabel, batay na rin sa kanyang mga ipino-post na larawan sa kanyang facebook account ay nangangarap pa namang maging isang flight attendant. Sa pananaw ng mga nakakakilala sa dalagang bank teller, hindi malayong maabot niya ang minimithing pangarap lalo na’t nasa kanyang katauhan ang ganda at wastong pangangatawan na kinakailangan upang maging isang flight attendant.

Hindi rin matatawaran ang kanyang talino lalo na’t hindi naman madaling pumasok bilang teller ng isang bangko kung hindi sapat ang kanyang angking katalinuhan at kaalaman, bukod pa sa taglay na kagandahan.

Maraming mga kaibigan at kasamahan sa trabaho ni Mabel, na isang teller sa Malayan Bank sa Makati City, ang nanghihinayang sa maaga niyang pagpanaw lalo pa nga’t nasawi siya sa isang karumal-dumal na paraan sa kamay ng mga walang kaluluwang salarin.

Bumuhos ang simpatya at pakikiramay sa pamilya Cama nang mapalathala ang nangya­ring pamamaslang kay Mabel, kasabay na rin ng nagkakaisa nilang panawagan na mabigyan ng kaukulang hustisya ang kanyang kamatayan.

Labis-labis naman ang pagdadalamhati ng kanyang pamilya lalo pa nga’t katuwang na siya ng kanyang amang si Mang Reynaldo, 53, sa pagtaguyod ng kanilang pamilya matapos siyang igapang ng mga magulang sa pag-aaral hanggang sa makapagtapos at makakuha ng maayos na trabaho.

Ang ama ni Mabel na tubong-Bicol region ay nagtatrabaho bilang auto electrician at meka­niko sa Mega Bus Line, isang malaking kompan­ya ng transportasyon na may biyaheng mula Pasay at Cubao hanggang Tacloban at Tagbilaran sa Bohol, pabalik.

Sa loob din ng compound, malapit sa punong tanggapan ng naturang kompanya ng bus sa Ortigas Avenue Extension na pag-aari ni Paracale, Camarines Norte Mayor Lourdes Biguera naninirahan ang pamilya Cama at mula sa garahe ay may daan din patungo sa kanilang tirahan.

Matapos namang makarating sa kaalaman ng pulisya ang pagkakatuklas sa bangkay ni Mabel, kaagad na iniutos ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Romulo Sapi­tula kay Pasig police chief Senior Supt. Orlando Yebra, Jr. ang masusing pagsisiyasat sa natu­rang kaso upang agarang mapanagot sa batas ang may kagagawan.

Bumuo kaagad ng isang team si Sr. Supt. Yebra at personal na tinutukan ang naturang kaso, kasabay ng pagbibigay ulat sa mga pangyayari kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde.