Abante Tonite Interactive

Bank Teller, ginahasa, pinatay, tinangkang sunugin

By
731

Part 5

Nang makarating naman sa kaalaman ni Paracale, Camarines Norte Mayor Lourdes Biguera, ang may-ari ng pribadong compound na ginagawa ring garahe ng Mega Bus Line na kanya ring pag-aari, kaagad siyang nag-alok ng P50,000 na pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makapagtuturo sa mga salarin na pumaslang at gumahasa kay Mabel.

Dahil na rin sa kawani niya bilang auto electrician at mekaniko si Mang Reynaldo, nagbigay din ng kaukulang tulong ang alkalde sa pamilya Cama upang maayos na maiburol at maiuwi sa kanilang lalawigan sa Bicol upang doon mailibing ang bangkay ng biktima.

Abante Hiring – IT dep

Bukod naman kay Oavenada, pinaimbitahan din ni Sr. Supt. Yebra kay Chief Insp. Garcia si Diolen Acebuche, 22, mekaniko ng kompanya ng bus, matapos mabanggit ng testigo ang kanyang pangalan na umano’y isa sa nakitang nakatayo sa tabi ng biktima.

Matapos makapagbigay ng kani-kanilang salaysay sina Oavenada at Acebuche, pinayagan din silang makauwi subalit pinagbilinan na huwag lumayo o magtago matapos ilagay ang kanilang mga pangalan na kabilang sa mga “persons of interest” sa naturang krimen.

Bukod sa dalawa, tatlo pang kalalakihan ang hinahanap ng pulisya na posibleng may kinalaman sa pagpatay, panghahalay at tangka pang pagsunog sa bangkay ng biktima upang maimbitahan sa headquarters ng Pasig police at makuhanan ng pahayag bagama’t hindi nila matukoy ang pagkatao ng mga ito.

Sa kabuuan naman ng masusing pagsisiyasat ng kapulisan, hindi naman ipinagkait ng pamunuan ng naturang kompanya ng bus ang kanilang pakikipagtulungan sa kapulisan upang malutas ang kaso at mapanagot kung sinuman ang mga may kagagawan at pinayagan ang mga imbestigador na makuhanan ng pahayag ang kanilang mga kawani, kabilang ang kanilang mga tsuper, mekaniko at security guard.

Dahil naging kontrobersiyal ang kaso ng pagpatay at panghahalay kay Mabel, kabilang ang grupong Gabriela, sa pangunguna ni party list Representative Emmi De Jesus, ang bumi­sita at nagpaabot ng kanilang pakikiramay at simpatiya sa pamilya Cama.

Mariin nilang kinondena ang karumal-du­mal na krimen at nanawagan sa pamunuan ng PNP na gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang mabigyan ng katarungan ang masaklap na sinapit ni Mabel sa kamay ng mga walang kaluluwang salarin.

Nanawagan din ang grupo kay PNP Chief Diretor General Ronald Dela Rosa na gumawa ng hakbang upang mabigyan ng
proteksiyon ang mga bata at kababaihan laban sa mga gumagalang kriminal.

Sa panig naman ni Dela Rosa, sinabi niya na ginagawa ng kapulisan ang lahat ng hakbang upang mabigyan ng proteksiyon, hindi lamang mga bata at kababaihan kundi pati na ang mga ordinaryong mamamayan laban sa kriminal.