Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bansot na aktor tagilid ang career

0 147

Kumbaga sa bakasyunista ay naikot na ng isang male personality ang buong mundo. Naikot niya na ang mga network. Galing siya sa isang malaking istasyon, nang maging aktibo naman ang isa pang istasyon ay lumipat siya, hanggang sa ang ending ay lumipat na naman siya sa isang malaking network.

Maraming nayayabangan sa bansuting male personality na ito, feeling niya kasi ay napakahusay niyang umarte, siya rin ang pinakaguwapo sa lahat ng mga artista.

Kuwento ng aming source, “Komedyante talaga ang kapalaran, hano? Mapagbiro! Saan na pupunta ngayon ang bansuting aktor na ‘yun? Saan siya dadalhin ng kayabangan niya?

“Madaldal kasi siya, tactless, hindi muna nag-iisip bago siya kumuda!” unang hirit ng aming impormante.

Ganito kasi ang kuwento. Inalagaan siya ng unang istasyong pinagserbisyuhan niya. Pero nu’ng naamuyan niyang malaki ang oportunidad na makukuha niya sa isang network na nagpakaaktibo, lumundag siya, nu’ng magtagal-tagal ay kumabilang-bakod naman siya sa isang malaking network.

Kuwento ng aming source, “Naku, hindi niya maidedenay ang mga pinagsasabi niya nu’n, napaka-tactless niya! Nag-umpisa raw siya sa isang network, pero hindi naman siya naalagaan nang husto!

“’Yun daw ang dahilan kaya siya lumipat, maraming projects siyang pinagbidahan sa nilundagan niyang station, star na star ang dating niya!

“Pero lumipat uli siya sa isang malaking network, tinalikuran niya ang istasyong namuhunan nang malaki para sa kanya! Nu’ng tanungin siya kung bakit, napakatabil ng dila ng bansuting aktor na ‘yun sa pagsagot!

“Hindi raw siya inalagaan ng unang network niya. Hindi raw naman siya napasikat ng ikalawang istasyon. Ang ikatlong network daw ang talagang nagbigay sa kanya ng name, maangas siya, di ba naman?” komento ng aming source.

Pero umiikot ang gulong ng buhay. Saan na pupunta ngayon ang feeling-sikat at magaling umarteng aktor? Makababalik pa kaya siya sa unang istasyong nag-alaga sa kanya at sa network na hindi naman nagpasikat sa kanya?

“Tagilid ang career niya, ‘yung sobrang ipinagmamalaki niyang network, wala ring maibigay na trabaho sa kanya ngayon, kaya siguradong balagoong siya!” nakairap na pagtatapos ng aming impormante.

Jasmine mukhang tita ni Alden

Sobra-sobra talaga ang energy ng ibang miyembro ng AlDub Nation. Sigaw sila nang sigaw ng boykot sa mga proyektong hindi sina Alden Richards at Maine Mendoza ang magkatambal pero supot naman ang kanilang bala.

Walang nagaganap, nagtatagumpay pa rin ang lahat ng palabas na pinagbibidahan ni Alden, okey lang naman ang sitwasyon ni Maine.

Lahat ng pintas ay ibinabato ngayon ng AlDub sa seryeng pinagtatambalan nina Alden at Jasmine Curtis Smith. Boykot daw sila pero paano at bakit alam nila ang mga nagaganap sa “The World Between Us”?

Bira ng grupo ay parang napakatanda raw ng leading lady ni Alden, parang tita raw ng Pambansang Bae si Jasmine, hindi raw sila bagay.

Pamba-bash pa ng grupo, “Humpak na humpak ang leeg ni Tita Jasmine, para siyang auntie ni Alden, wala na bang iba?”

Napaka-inconsistent ng mga taong ‘yun, ipinagmamakaingay nila ang boykot na sinasabi nila, pero gabi-gabi naman pala ay nakatutok pa rin sila sa serye.

Totoong payat si Jasmine, pero kung ganda ang pag-uusapan ay lutang na lutang ang kakaiba niyang karisma, maaasahan din sa pag-arte ang kapatid ni Anne Curtis.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Nasusundan ko ang serye, estudyante sina Alden at Jasmine, alangan namang magpa-make-up na parang pupunta sa party si Jasmine sa mga eksena nila?

“At kapag fully made-up naman ang girl, halimaw ang dating niya, napakaganda! Bakit kabisado nila ang mga eksena? Di ba, binoboykot nila ang serye?” natatawa na lang na komento ni prop.

Leave A Reply

Your email address will not be published.