Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bansot nation

0 131

Nagpakitang-gilas mga tropapips ang mga “bulinggit” na player ng Gilas Pilipinas sa isang laban nila Korea sa FIBA Asia Cup Qualifiers. Pero ang pagiging “bulinggit” ng mga Pinoy, may malaking problema sa usapin ng kalusugan batay sa isang pag-aaral.

Maraming basketball fans ang napatayo sa upuan at napapalakpak na may kasamang hiyaw nang mai-shoot ng Gilas guards na si SJ Belangel ang kaniyang “bitin” na three point shot para daigin ang koponan ng mas malalaking Korean.

Bukod sa pamatay o “buzzer beater” na tira ni SJ, aba’y ipinakita din ng niya at kapwa-“guwardiyang” bulinggit din na si RJ Abarrientos, ang bilis para akayin ang Gilas sa 81-78 win, na hirap tanggapin ng coach ng Korea.

“Buwelas” lang daw o ala-tsamba ang panalo ng mga Pinoy sa naturang laban. Pero pinatunayan ng Gilas na hindi tsamba ang panalo nila dahil tinalo nila uli ang Korea sa ikalawa nilang paghaharap.

Kung tutuusin, hindi naman talaga bulinggit sina SJ at RJ dahil sa ang taas nila eh nasa 5’10” naman. Kaya lang, dahil nga mas malalaki ang kailangan sa basketball, nagmumukhang “bansot” ang dalawa kapag kasama na ng mga 6 o 7 footer na player.

Pero mukhang problema nga talaga natin mga tropapips ang pagiging bansot ng mga Pinoy. Batay kasi sa isang pag-aaral ng World Bank, lumalabas na nananatili pa rin ang problema ng “undernutrition,” o kakulangan ng sustansiya ng mga batang Pinoy na edad lima pababa, kaya marami pa rin ang bansod o kulang sa kanilang dapat na taas.

Ang naturang pag-aaral eh ginawa raw noong 2019, bago pa hampasin ng pandemyang dulot ng made in China virus na COVID-19 ang Pilipinas, at buong mundo. Isipin na lang natin mga tropapips na papaano pa ngayon na may pandemic at limitado ang pagkilos at pagpapatupad ng programa ng gobyerno?

Batay umano sa pag-aaral ng World Bank, 29 na porsiyento ng mga batang Pinoy na edad lima pababa, o isa sa bawat tatlong bata ang bansod.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dahil sa naturang datos, aba’y pang-lima ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng pagkabansod sa East Asia and Pacific region, at pasok sa top 10 sa buong mundo.
Kabilang sa mga lugar sa Pilipinas na maraming batang bansod eh nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Soccsksargen.

Sa dami nga raw ng mga bansod na bata at payatot, nagmumukhang normal na raw ang ganung pangangatawan dahil nga nakikita na halos magkakapareho ang mga bata. Dapat yatang mag-import sila ng malusog na bata sa mga lugar na maraming bansod para makita ng mga magulang ang kaibihan ng malusog at hindi malusog.

Natural lang naman na kapag kulang ang sustansiya ng katawan, hirap lumaki o tumangkad ang bata kahit pa sabihin na lahi ng matatangkad ang pamilya niya. Baka nga magmukhang kawayan ang bata kung tumangkad nga siya eh buto’t balat naman.

Bago ang pandemya, nababalitaan natin na mayroong mga feeding program ang nasyunal at mga lokal na pamahalaan para patabain ang mga bata. Pero ngayong may pandemic na bawal ang sama-sama at basta-basta pagbibigay ng pagkain dahil sa pangamba ng hawahan ng virus, malamang na tigil ang mga ganitong programa.

Kaya naman posibleng mas mataas pa ngayon ang problemang ito ng pagkabansot. Pero baka hindi pa naman huli ang lahat at maagapan na ang problema sa susunod na taon kapag may “herd immunity” na ang Pilipinas sa COVID-19.

Dahil bata pa naman ang mga pinag-uusapan natin, maaari pa sigurong habulin ang kanilang kalusugan. Dapat na mag-isip ng magandang programa ang mga kinauukulan kung anong masustansiyang pagkain ang dapat ibigay sa mga bata para tumangkad sila at lumusog.

Mahirap na, baka ang susunod na henerasyon ng Gilas Pilipinas eh puro mga imported na Pinoy na dahil ang mga Pinoy na laking Pilipinas eh hindi na umabot ng 5’10” ang taas. . Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.