Abante Tonite Interactive

Banta at paninira, ‘di ko papatulan

455

Nagpapasalamat ang inyong lingkod sa ‘di mabilang na mga kaibigan, supporters at maging ordinaryong netizens at mamamayan ng Maynila, para sa kanilang walang patid na pagpapakita ng malasakit sa gitna ng pananakot at banta sa buhay na ating tinatanggap kaugnay ng pagpapatupad ng mga hakbanging ‘tama at dapat’ para sa ikaaayos ng lungsod at mga naninirahan dito.

Hindi ko sana nais pang lumabas ang isyu na ‘yan pero yaman din lamang at nabulgar na, hayaan ninyong tiyakin ko sa inyo na hindi nito maaapektuhan ang uri ng serbisyo na ating inumpisahan.

Hindi ho ako nagmamatapang pero nauunawaan at tanggap ko na ang pakakaroon ng mga pagbabanta ay talagang bahagi na ng trabaho na aking pinasok bilang punong lungsod.

Gaya ng mga patuloy na paninira sa ating administrasyon — akala ko nga ay tapos na ang eleksyon, hindi pa pala para sa iba — ang mga banta ay hindi dahilan upang tayo ay tumigil o maghinay-hinay sa ating mga ipinatutupad na pagsasaayos at mga planong pagbabago para sa Maynila.

Lalong hindi ito dahilan upang mapahinuhod tayo sa kagustuhan ng mga tiwaling indibidwal at grupo na namunini sa nakalipas na anim na taon, upang hayaan sila na maipagpatuloy ang kanilang masama at iligal na mga gawain.

Alam ko na marami akong nasagasaan na nagsi-kita nang malaki mula sa kotong sa nakalipas na mga taon pero higit na marami ang ngayon ay natutuwa at nakikinabang sa mga kalsada na noon ay sinakop na ng vendors ang kabuuan.

‘Yung mga ‘nasaktan’ na sinasabi ko ay ‘yung mga taong nahirati na sa raket na tinatawag na ‘organized vending,’ kung saan nagbibigay sila ng lagay sa mga taga-City Hall at kapalit niyan ay hahawakan na nila ang isang lugar at sila na ang magpapa-upa sa mga vendors na ni hindi naman taga-Maynila kundi mga taga-karatig lungsod lamang gaya ng Baclaran at San Juan. Sindikato ang tawag sa kanila.

Bukod sa mga kalsada, ganyan na rin ang naging kalakaran sa mga underpass ng lungsod kaya naman agad kong inatasan si Secretary to the Mayor Bernardito Ang upang i-revoke o ipawalang-bisa ang mga ‘special permits’ ng mga may hawak sa vendors na nagkalat sa City Hall Underpass at sa Lacson Underpass sa Quiapo.

Isang tao lang din ang siyang may hawak ng lugar at pagkatapos ay siya na ang magpapa-upa sa mga vendors. Wala na nga silang kanya-kanyang permit na siyang required ng pamahalaang lungsod, ni hindi pa nagbabayad ng kuryente.

Ako ay naniniwala na may awa ang Pa­nginoong Diyos at hindi niya tayo pababayaan. Hindi Niya hahayaang manaig ang kasamaan kaysa kabutihan. Stay positive po tayo.