Abante Tonite Interactive

Banta sa abogado ng drug suspect gimik lang — Palasyo

By
1,985

Hindi kumbinsido ang Malacañang sa ulat na may banta umano sa buhay ng mga abogadong may hawak sa kaso ng mga drug suspect kaugnay sa anti-drug war ng pamahalaan.

Kasunod ito ng pahayag ng grupo ng mga abogado na nagpasaklolo sa United Nations (UN) na nasisikil umano ang kalayaan ng hudikatura sa ilalim ng Duterte administration.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, publicity lang ito ng mga abogadong kontra sa Pangulo para mabigyang-katwiran ang kanilang ginawang pagsusumbong sa UN.

Kung totoong may banta aniya ang mga abogadong huma­hawak ng drug cases, dapat ay nagdemanda na ang mga ito.

“Maniwala ka doon, mga boladas lang iyan. Publicity lang iyan. Eh kung totoo iyan eh di sana naghain na sila ng demanda diyan sa mga nagbabanta sa kanila. Hindi nga sila pinapansin eh,” ani Panelo.

Matatandaang pinatay ng hindi nakikilalang suspek noong Pebrero ang abogado ng drug lord na si Kerwin Espinosa na si Atty. Jonathan Ungab sa Cebu matapos mapaulat na na-dismiss ang kaso laban sa kanyang kliyente.