Abante Tonite Interactive

Banta

0 464

Si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. marahil ang pinakamadaldal na heneral sa hanay ng mga opisyal na kasalukuyang nanunungkulan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Una siyang nakatawag ng pansin sa sarili bilang isa sa mga pangunahing tagapagpalaganap ng istorya ng “Red October” conspiracy noong 2018, ang sabwatan umano ng mga pwersang nasa oposisyon, mga komunista, at “front organizations” nito, upang patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa buwan ng Oktubre.

Walang anumang pag-aalsang naganap, at binansagang fake news ang kuwentong inilako ni Parlade. Sa kasalukuyan, at sa kabila ng kasigasigan ni Parlade sa paglabas ng mga press release, bihirang malathala sa mga pahayagan ang mga ito, maliban sa suki niyang Philippine News Agency ng Malacanang. Repleksyon ito marahil ng pagkilatis ng mga mamamahayag sa kredibilidad ng heneral na may matabil na dila.

Kamakailan, hindi na naman nakatiis si Parlade. Ayon sa isang ulat na nilathala ng PNA sa website nito noong Abril 8 (“Press freedom very much alive in PH: Parlade”), binatikos ng heneral ang pahayag ni Butch Olano, direktor ng Amnesty International sa Pilipinas, na isang “outrageous attack on media freedom” ang pagpapasara ng administrasyon sa ABS-CBN broadcast network, at inihalintulad ito sa pagkontrol ni Marcos sa mass media noong panahon ng martial law. Dineklara ni Parlade na buhay na buhay ang press freedom sa bansa, at pinangaralan si Olano na naaayon umano sa Kostitusyon at batas ang pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN. Bilang pangwakas, nagbitiw si Parlade ng isang babala kay Olano: “Yes to law and order! Otherwise you might just get the martial law that you deserve.”

Wala sa lugar ang pahayag ni Parlade, at paglathala nito sa website ng PNA, hindi lamang dahil walang direktang kinalaman ang isyu ng ABS-CBN sa kanyang katungkulan bilang pinuno ng Southern Luzon Command ng AFP. Nilalabag niya ang demokratikong prinsipyo ng pangingibabaw ng sibilyan sa militar. Ang mga sibilyang opisyal ng gobyerno ang dapat na pagmulan ng mga opisyal na pahayag kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN, hindi isang heneral.

Ngunit, higit pa rito, nilantad ni Parlade ang tunay na motibo na nasa likod ng banta ng martial law na palaging naririnig mula sa amo niyang si Duterte, at walang-pangingiming winasiwas niya laban sa direktor ng Amnesty International. Ang martial law ang ultimong sandata para patahimikin ang mga kritikong katulad ni Olano, na hindi sumasang-ayon sa ginagawa ng administrasyon. Sa kabila ng pagmamayabang ni Parlade na alam niya ang Konstitusyon at itinataguyod niya ang “law and order,” malinaw na wala siyang pagkilala sa karapatang magpahayag ng pagtutol, na batayang karapatan sa pisang demokrasya at ginagarantiya ng Konstitusyon.

Tunay nga: si Duterte at ang mga heneral na nakapalibot sa kanya ang numero unong banta sa demokratikong karapatan ng bawat Pilipino.

Tonite – Wendys Inhouse Ad