Abante Tonite Interactive

Bantay sarado ng NCRPO

313

Nagbabala sa publiko ang National Ca­pital Region Police Offic­e (NCRPO) kaugnay sa naglipanang mga pekeng pera matapos masakote ang tatlo katao na nagpapalit sa isang casino sa Pasay City.

Kaugnay nito ay umapela si NCRPO director Major Gen. Guillermo Eleazar sa taumbayan na maging mapagmatyag upang hindi mabiktima.

Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang mga kahina-hinalang kilos upang maagapan ang masasamang-loob partikular ang mga nasa likod ng iligal na operasyong ito.

Nagbanta rin si Eleaza­r na hindi niya tatantanan ang mga sangkot sa iligal na aktibidades na ito.

Ang babala ng NCRPO ay bunsod ng pagkakasukol ng Pasay Police sa isang Pinoy na negosyante at dalawang Korean national na nakuha­nan ng mga pekeng dolyar na nagkakahalaga ng mahigit $.2 million.

Ang mga suspek na nakilalang sina Fernando Silanga, 44, isang negosyante, Tiange Wu, 31, isang casino operator at isang Song Ho Sang, 53, kapwa Korean nationals.

Hinahanting naman ang isa pang suspek na si James Park, nasa hustong gulang, isa ring Korean national.

Diumano’y natunugan ang mga suspek na may dalang pekeng $288,700.00 kaya ikinasa ang ope­rasyon kaya nasakote ang mga ito ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 168 (Illegal Possession and Use of False Treasury Bank Notes and Other Instrument of Credit) at Estafa.

Mabuti na lang at alerto ang ating PNP kaya nabulilyaso ang masamang balak ng grupo.

Kaya isang babala sa masasamang ele­mento ang maagap na pagkilos na ito ng PNP.

Hinding-hindi kayo magtatagumpay sa pagpapakalat ng kasamaan.

Walang kapaguran ang mga tauhan ng PNP para siguraduhin ang kaligtasan ng taumbayan.

Pero siyempre importante rin ang kooperasyon ng taumbayan para mas ma­ging matagumpay ang operasyon ng ating kapulisan laban sa masasamang-loob.
Kung walang partisipasyon ang publiko hindi rin basta masasawata ang masasamang elemento sa ating lipunan.