Abante Tonite Interactive

Bantayan si Sanchez

374

Medyo lumamig pansumandali ang isyung paglaya ni convicted rapist-murderer ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez. Ito ay matapos na magbigay-linaw ang ilang tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa paggawad ng kalayaan sa nasa likod ng karumal-dumal na kamatayan ng dalawang estud­yanye ng UPLB mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan.

Ang BuCor, DOJ at Korte Suprema ay nagpahayag na kamakailan lamang na wala silang inilalabas na impormasyon na kasama si Sanchez sa mga palalayaing bilanggo. Ang sa atin mabuti naman at naging maagap ang nabanggit na mga tanggapan sa paglilinaw dahil kung hindi ay malaking gulo ang idudulot nito.

Dahil sa pangyayari ay magkahalong saya at lungkot ang ating nadarama. Masayang malungkot dahil kung hindi sumabog ang isyu baka nalusutan na ang taumbayan at magugulat na lamang tayo na laya na pala ang convicted murderer-rapist dahil sa kawalang hiyaan ng ilang opisyal na nabigyan ng kapangyarihang maggawad ng kala­yaan sa mga bilanggong may nagawang mabuti sa likod ng rehas na bakal o ang Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Pero ang hindi lang natin kayang sikmurain ay ang balitang labas-masok na raw pala itong si Sanchez sa New Bilibid Prison (NBP) bago pa pumutok ang balitang gagawaran siya ng kalayaan. Kumalat sa social media na nakikita na umano si Sanchez sa Calauan at ito ang indikasyong nakakalabas ito sa pambansang piitan.

Katulad ng inaasahan, mariin itong itinanggi ng NBP at mismong ang naging abogado nitong si Presi­dential Spokesman Salvador Panelo dahil mahigpit daw sa maximum security.

Sige na dumepensa na ang dapat dumepensa basta’t ang malinaw, buking ng taumbayan ang kung anomang masamang pinaplano para makalaya si Sanchez.

Ngayon pang buking na ang plano kaya tiyak na bantay-sarado na ang isyung ito at nakatitiyak ta­yong magsasama-sama ang lahat ng nagha­hangad ng katarungan para sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen katulad nina Eileen Sarmenta at Alan Gomez.