Abante Tonite Interactive

Baon sa utang, mag-asawa nag-suicide sa kotse

557

Patay ang babae habang nakaratay sa Mary Chiles ang kanyang mister matapos na magbaril sa sarili sa loob ng kanilang kotse dahil sa pagkakabaon umano sa utang kamakalawa sa may Quiapo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PSSG Roderick Magpale, ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), hawak pa ng biktimang itinago sa pangalang Gel, 32-anyos, taga-Quiapo, Maynila, ang .38 kalibre na ginamit niya sa pagbaril sa sentido.

Hinala ng pulisya, unang binaril ni Gel ang asawang si Ferdie (‘di tunay na pangalan), 32, bago ito nagbaril sa sarili.

Naganap umano ang insidente sa loob ng pula nilang kotseng Mitsubishi Mirage dakong alas-5:30 nang hapon habang naka-park sa may Bilibid Viejo St., Quiapo, Maynila.

Bago ang pagkakadiskubre sa krimen, nakarinig umano ng magkasunod na putok ng baril ang security guard na si Michael Apellido y Esmas, 31, ng RBB Security Agency na nakatalaga sa Yunitrade Residences YMCC Building.

Nang silipin ang loob ng sasakyan, nakita niyang duguang nakalugmok ang dalawang biktima kaya humingi siya ng tulong sa mga barangay tanod.

Wala na umanong buhay ang babae na nasa passenger seat habang ang lalaki ay humihinga pa pero walang malay kaya mabilis itong isinugod sa Mary Chiles Hospital.

Sa impormasyon, bago naganap ang umano’y napagkasunduang suicide ng mag-asawa ay lumilitaw na dulot ito sa kanilang mga utang na aabot sa dalawang milyong piso. Sinasabing lulong umano sa casino ang mag-asawa.

Gayunman, patuloy ang MPD-HS sa imbestigasyon sa naganap na insidente. (Juliet de Loza-Cudia)