Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bar na pasaway sampolan

0 244

Habang abala ang mga otoridad sa pagsita sa mga pasaway na lumalabag sa basic health protocols ay tila walang pakialaman naman ang ilang panggabing establisimento sa banta ng COVID-19.

Balita nitong Biyernes ng umaga ang 50 katao na inaresto ng mga operatiba ng Manila Police dahil sa paglabag sa curfew sa Lungsod ng Maynila pero hindi dahil nahuli silang nasa labas kundi nasa loob ng isang bar.

Unang papasok sa isipan ng publiko ay kung bakit bukas ang bar gayong mahigpit ang ipinairal na community quarantine para mabawasan ang peligro sa COVID -19 contamination.

Sa katunayan, iilan pa lamang na mga establisimento ang pinapayagan ng Inter-Agency Task Force na magbukas at limitado rin ang kapasidad na pinapayagan gaya ng mga restaurant at food chain.

Hindi kaya alam ito ng pamahalaang Lungsod ng Maynila o kaya ng police station na nakasakop sa bukas na bar? ayaw kong isiping may natutulog sa pansitan.

Hindi biro ang peligrong hatid ng COVID-19 at mahigit isang taon na tayong nakikipaglaban sa pandemya pero may mga tao na tila walang pakialam at hindi sumusunod sa simpleng patakaran ng gobyerno.

SM food to go Banner Ad

Isipin na lamang kung isa sa mga taong nahuli sa curfew ay may dalang COVId-19 , tiyak na nahawa nito ang lahat ng mga nasa loob ng bar at madadagdag sila listahan ng COVID cases.

Mabuti sana kung sila lang ang maghihirap dahil sa pagiging pasaway pero dinadagdagan nila ang sakripisyo ng medical health workers at dagdag gastos rin sila ng gobyerno.

Ang sabi nga si Presidential Spokesman Harry Roque, dapat maipasara ang bar na hindi sumunod sa patakaran ng IATF, at dapat kumilos ang lokal na pamahalaan.

Malakas ang loob ng operator o may-ari ng bar para sumalungat sa polisiyang ipinaiiral sa panahon ng pandemya at nakapagtatakang hindi ito napansin man lang ng mga opisyal ng barangay na may sakop nito o kaya mga pulis na gabi-gabi naman siguro ay nagroronda sa lugar.

Bulag ba ang mga ito o natakpan ang mga mata kaya hindi nakita ang bukas na bar at paglabas-masok ng mga uhaw sa alak at uhaw sa palakpak ng mga guest relations officer o GRO.

Sana kumilos agad ang mga nasa City Hall at ipatupad ang angkop na aksiyon sa hindi pagsunod sa utos ng AITF, at sana mahismasan ang may-ari ng bar at mapagtantong hindi sa lahat ng pagkakataon ay pera ang mahalaga kundi ang buhay at kaligtasan ng bawat isa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.