Abante Tonite Interactive

Barangay chairman, 3 pa nilikida

387

Patay ang isang kapitan ng barangay habang sugatan ang tatlong iba pa matapos ratratin ng hindi pa kilalang armadong lalaki ang sasakyan ng mga biktima Miyerkoles nang gabi sa Barangay Bagabag bayan ng Sto. Tomas, Isabela.

Kinilala ang mga biktimang sina Manuel Ramento, 40, kapitan ng barangay, May Glenn Padre, barangay kagawad, Noimi Gumtang, 26, at Althea Nicole Gumtang, 6, pawang residente ng Brgy. Bubog nang nasabing bayan.

Sa ulat ng Police Regional Office 2 sa Camp Crame kahapon, naganap ang insidente dakong alas-11:36 nang gabi sa kahabaan ng Brgy. Bagabag ng nabanggit na bayan.

Lulan ng SUV ang mga biktima galing sa sentro ng bayan ng Sto. Tomas pauwi na sana sa Brgy. Bubog subalit pagsapit sa nabanggit na lugar ay bigla na lang pinagbabaril ng hindi batid na mga suspek ang kanilang sasakyan.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang drayber ng SUV na si Padre at Ramento habang tig-isang tama naman ang tinamo nina Noimi at Althea Nicole.

Naisugod naman sa Milagros hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead-on-arrival si Barangay Captain Ramento habang si Padre ay agad inilipat sa ibang pagamutan dahil sa malalang kondisyon.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang mga salarin at kung ano ang motibo ng mga ito. (Edwin Balasa/Allan Bergonia)