Abante Tonite Interactive

Barangay chairman dedo sa ambus

372

Patay ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo kamakalawa sa Pasay City.

Sanhi ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril, hindi na umabot ng buhay sa Manila Adventist Medical Center si Jojo Balais, 42, chairman ng Brgy. 37, Zone 3, Pasay City.

Sa report ni P/Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-5:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng Pasay City Academy sa Buendia Avenue, Brgy. 37, Zone 3 ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang Yamaha NMAX at habang papatawid ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo na walang plaka sakay ang dalawang lalaki.

Pagtapat ng mga suspek sa biktima ay sabay na pinagbabaril ng back rider.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at sinusuri na ang nakalagay na close circuit television (CCTV) camera para sa pagkakilanlan ng mga salarin. (Armida Rico)