Abante Tonite Interactive

Barangay chairman itinumba ng tandem

By
765

Nasawi ang isang kauupo pa lamang na barangay chairman matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakikipagkuwentuhan sa kalye, malapit sa barangay hall sa Tondo, Maynila kahapon.

Kinilala ni PO3 John Bacud ang biktimang si Joseph Moran, 57-anyos, ng Barangay 100, Zone 8, District 8, Tondo, Maynila.

Pasado alas-6:30 ng gabi nang itawag sa Manila Police District-Homicide Section ng Tondo General Hospital ang pagkamatay ni Moran.

Nabatid na idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang biktima dahil sa walong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tumakas umano ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Jacinto Street.

Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa kanyang trabaho bilang punong barangay ang motibo ng pamamaslang.