Abante Tonite Interactive

Barangay Ex-O binaunan ng bala sa ulo

0 331

Nasawi ang isang Barangay Executive Officer (Ex-O) nang malapitang barilin sa ulo habang nakaupo sa harapan ng kanyang tindahan kamakalawa sa Binondo, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si Dario Habal, 45, negosyante, Barangay Ex-O ng Brgy. 275, Zone 25, at nagmamay-ari ng Motorcycle Repair shop sa 018 Gate 47 Area-B sa Parola Compound sakop ng Binondo.

Mabilis namang tumakas ang ‘di nakilalang suspek na inilarawang nasa edad 37-39, may taas 5’7”, nakaputing t-shirt, maong na pantalon at dark gray bullcap.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District – homicide section, alas-kuwatro ng hapon nang maganap ang krimen sa harap mismo ng repair shop ng biktima.

Nakaupo at kumakain ng ice candy ang biktima nang lapitan at barilin ng suspek gamit ang kalibre .9MM pistola.

Isinugod naman ng mga bystander sa pagamutan ang biktima pero ‘di na ito umabot ng buhay.

Inaalam ngayon ng pulisya kung may kinalaman sa negosyo o trabaho ng biktima ang pagpaslang. (Juliet de Loza-Cudia)