Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Barangay hindi awtorisadong magpatayo ng sementeryo

0 46

Nagpalabas ng cease and desist order ang pamahalaang-lokal ng San Jose del Monte, Bulacan laban sa isang barangay chairman na magpapagawa umano ng sementeryo sa kanilang lugar.

Ayon kay city legal officer Elmer Galicia, hindi saklaw sa mga proyekto ng barangay ang pagpapatayo ng sementeryo dahil ito ay responsibilidad ng pamahalaang-lokal.

Aniya, hindi pinayagan ni Mayor Arthur Robes ang plano ni Chairman Marciano Gatchalian ng Barangay Muzon na magtayo ng sementeryo dahil hindi rin ito nakasunod sa ilang regulasyon tulad ng makitid na right of way.

“May programa ang city government sa pagtatayo ng pampublikong sementeryo at may pondo rin ito, hindi na saklaw ng barangay ang ganitong proyekto,” paliwanag ni Galicia.

Nauna nang inakusahan ni Gatchalian si Robes ng pang-aabuso sa posisyon nang ipatigil umano ng alkalde ang pagtatayo ng sementeryo at paglalagay ng streetlights na mga proyekto ng barangay sa ilalilm ng programang “Rektang Konek Aksyon Agad” noong Pebrero 19.

Sinabi ni Gatchalian na umutang ang Sangguniang Barangay ng Muzon sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa pagpapatayo ng sementeryo at paglalagay ng streetlights.

Gayunman, sinabi ni Galicia na hindi pumasa sa preliminary assessment ang proyekto kaya ipinatigil ito ng pamahalaang-lokal.

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Ang bawat proyekto ay dapat sumunod sa regulasyon,” saad ng opisyal.

Iginiit pa ni Galicia na walang kapangyarihan ang Bgy. Muzon na magtayo ng sementeryo hanggant walang pahintulot ng lokal na pamahalaan.

Idinagdag ni Galicia na lubha ring mahaba ang 15 taon na loan payment scheme dahil ang lifespan ng solar-powered lights ay mababa sa 10 taon. Malulugi aniya ang lokal na pamahalaan sa sistemang gustong mangyari ni Gatchalian.

Dagdag ni Galicia, iligal din ito dahil sa kawalan ng permiso at ang paglabag dito ay maaaring maging basehan ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.

Samantala, nilinaw din ni Galicia na naaayon sa Local Government Code of 1991 ang planong paghahati ng Bgy. Muzon.
Noong 2015, naitala na may 106,603 ang populasyon ng Bgy. Muzon. Sa paglipas ng mga taon, maaari aniyang bumuo pa ng isang barangay kung aabot ang populasyon ng Bgy. Muzon sa 2,000.

Mas makakabuti aniya sa mga residente ng Muzon kung mahahati ang barangay dahil mas maraming pondo ang mailalaan sa mahahating barangay kaysa kung iisa lamang ito.

“Hindi konektado ang planong paghahati sa Muzon sa pagpapatigil sa proyektong sementeryo ni Gatchalian,” ayon kay Galicia.

Leave A Reply

Your email address will not be published.