Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Barangay kagawad timbog sa bakuna slot for sale

0 85

Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang barangay kagawad at kasabwat nito sa umano’y pagbebenta ng mga COVID-19 vaccination slot, kamakailan sa Tondo, Maynila.

Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Arturo Flores Magtalas, barangay kagawad sa Maynila, at Benjie Lagasca.

Ang pag-aresto ay nag-ugat sa impormasyon kaugnay sa sinasabing pagbebenta ni Lagasca ng mga vaccination slot sa mga POGO employee sa halagang P6,000 kada slot. Bibigyan umano ng nauna ng stub o tiket sa vaccination site ang magpapaturok.

Isang ahente ng NBI-Special Action Unit ang nagpanggap na bibili ng slot para sa 10 POGO employee.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hulyo 23, kinontak ni Lagasca ang impormante at sinabi na available na ang 10 slot kinabukasan sa General Vicente Lim Ele­mentary School, Tondo, Maynila. Hulyo 24, naki­pagkita ang impormante kay Lagasca na kasama si Magtalas at inasistehan sila sa nakareserbang upuan sa waiting area ng vaccination site.

Nang hingin na ni Lagasca ang kopya ng waiver­ at vaccination ID QR code at hiningi ng impormante ang bakuna stub, inatasan ng nauna na sumakay ang huli sa kulay itim na Hyundai Starex (WLI 182) na nakaparke sa ‘di kalayuan.

Kaagad inaresto si Lagasca nang iabot nito ang stub at hingin ang P60,000.

Nang arestuhin ay nagpakilala pa ang mga suspek na mga awtoridad, at nakilala si Lagasca bilang Benjie Mesa Montaos sa nakuhang ID. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.