Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Barangay kapitan inambus sa Pampanga

0 71

Patay ang isang kapitan ng barangay na tumatakbong konsehal sa San Fernando City, Pampanga matapos tambangan ng dalawang lalaki sa Barangay Magliman ng naturang lungsod kahapon ng umaga.

Kinilala ni Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Matthew Baccay ang biktima na si Alvin Cruz Mendoza, 52, may-asawa at kapitan ng Barangay Alasas sa San Fernando City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-6:50 ng umaga habang ang biktima at ang kanyang pamilya ay patungo sa Barangay Magliman lulan ng Haima SUV nang harangin ng suspek ang sasakyan at agad na pinaputukan ang barangay kapitan.

Sa kabutihang palad ay ligtas at walang nasaktan sa pamilya ng biktima.

Habang nakahandusay sa driver’s seat si Mendoza, isa pang suspek ang dumating at pinagbabaril din ang biktima ng ilang beses bago tumakas sakay ng isang single motorcycle patungong San Fernando City.

Ayon sa salaysay ng isang guwardiya na nakasaksi sa pangyayari, isang motorsiklo ang biglang humarang at huminto sa harapan ng sasakyan ng biktima. Bago umano makakilos ang biktima ay agad siyang pinaulanan ng putok ng suspek.

Isinugod si Mendoza sa San Fernandino Hospital pero namatay habang ginagamot ng mga doktor dahil sa maraming tama ng bala sa katawan.

Nabatid na tumatakbong konsehal si Mendoza sa ilalim ng PDP-Laban sa darating na halalan sa Mayo 9.

Ayon sa pulisya, si Mendoza ang kauna-unahang napatay na kandidato sa Pampanga bago idaos ang halalan.

Noong Enero ay pinagbabaril din ng hindi pa kilalang mga salarin si Rainer `Balot’ Asban, kapitan ng Barangay Sto. Nino sa Guagua, Pampanga. Binaril din at napatay ng mga hindi pa kilalang salarin si Rogelio `Jonjon’ Salvador, dating kapitan ng Barangay Concepcion sa bayan ng San Simon noong Nobyembre 2021. (Rudy Abular)

Leave A Reply

Your email address will not be published.