Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Barangay kapitan sa Bulacan tinumba

0 130

Patay ang isang kapitan ng barangay matapos pagbabarilin sa kanyang sasakyan ng dalawang hindi pa kilalang lalaki sa San Miguel, Bulacan Huwebes ng gabi.

Agarang nasawi dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nakilalang si Marvin Avendaño, mas kilala sa kanyang mga kabarangay na si `Kap Bangus’, 48-anyos, kapitan ng Brgy. San Jose sa nasabing bayan.

Sa ulat na ipinadala ng San Miguel Municipal Police Station sa Bulacan Police Provincial Office, naganap ang pamamaril dakong alas-9:50 ng gabi sa kahabaan ng Barangay Buliran.

Sakay ng kanyang Nissan Navara ang biktima at pauwi na sa kanilang bahay matapos dumalo sa kaarawan ng isang kaibigan. Pagsapit ng biktima sa isang kanto ay bahagya itong nagmenor kung saan naghihintay na ang dalawang suspek na pawang nakasuot ng jacket at agad siyang pinagbabaril.

Mabilis na tumakas ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo habang dead on the spot naman ang biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga suspek at inaalam din kung ano ang posibleng motibo ng pamamaslang. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.