Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Barangay list sa COVID bakuna nakakatakot

0 144

Ngayon pa lang ay kabado na ako sa iniaatang na responsibilidad ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na pangasiwaan ang listahan ng mga bibigyan ng libreng bakuna kontra COVID.

Ibinibida na ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na naghanda na ang lahat ng barangay ng listahan ng mga residente na magiging prayoridad sa gagawing pagbabakuna.

Naghihintay na lamang daw ang mga barangay sa abiso ng national at sumasakop na local government unit sa idaraos na pagbabakuna.

Ayon sa opisyal tanging ang barangay lang ang nakakaalam kung sinu-sino ang mga kabarangay na kanilang uunahin sa bakuna.

Maliban sa mga frontliners na dapat bigyang prayoridad base sa national government at mga senior citizens pero mukhang magbabago ang plano rito dahil sa pagkamatay ng 23 matatanda sa Norway na binakunahan.

May sinasabi pa itong opisyal ng DILG na bukod sa mga frontliners ay una rin sa pila ang mga barangay tanod at health worker, at lahat ng nagtatrabaho sa barangay.

Nauunawaan natin ang papel ng barangay sa ganitong mga programa ng gobyerno. Wala naman talagang direct access ang national government sa ating mga kababayan kundi ang mga namumuno sa kani-kanilang mga barangay.

Pero hindi ako sang-ayon sa direktibang ito ng DILG na ang mga barangay lamang ang magbibigay ng listahan ng babakunahan. Dapat ay may koordinasyon naman yan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at maging sa mga city hall o munisipyo.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Huwag nating iasa ng todo sa mga barangay ang listahan dahil maraming opisyal ng barangay ang wala sa ayos.

Hindi ko nilalahat pero sandamakmak sa mga opisyal ng barangay at mga tauhan nila ang gumagawa ng kalokohan sa mga programa ng national government.

Mga tulong pinansyal ng national government na dapat ay nakakarating sa kanilang mga kalugar pero pinagpapartehan ng mga taga-barangay at kanilang mga kaanak.

Pagdating sa bakuna, mas delikadong listahan lang nila ang gagamiting basehan. Kaya sana makipagtulungan naman ang mga nasa munisipyo at city hall sa aspetong ito.

Huwag iasa ng 100% sa barangay ang listahan ng mga babakunahan baka magulat na lamang kayo ay baka wala pang 10% ng mga totoong benepisyaryo ng bakuna ang makikinabang.

***

Panawagan natin sa DILG, alam kong malaki ang tiwala ninyo sa mga barangay pero sa pagkakataong ito huwag n’yo naman sila bigyan ng todong kapangyarihan sa idaraos na pagbabakuna dahil kaawa-awa ang mga dapat na makinabang pero hindi naman mabibigyan dahil sa gagawing pagmaniobra ng mga ito.

Ngayon pa lang inuunahan ko na ang mga taga barangay na nagbabalak ng masama para sa gagawing pagbabakuna.

Hindi na imposibleng masindikato nila ito dahil ang mga tulong pinansyal ng gobyerno na idinaan sa kanila ay nagawa na nilang kurakutin papaano pa itong bakuna na halos lahat ay nagkakadarapa?

Leave A Reply

Your email address will not be published.