Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Barangay Maharlika

0 559

Sa nakaraang paggunita ng pagtatapos ng Ramadan o Eid al-Fitr at sa patuloy na selebrasyon ng 434th Founding Anniversary ng Taguig, ibig nating ipinagmamalaki ang progresibong komunidad ng Barangay Maharlika sa lungsod ng Taguig.

Matiwasay at modelong barangay sa Taguig ang Maharlika Village na isa sa may pinakamalaking Muslim community sa Metro Manila.

Ang nasabing barangay na 5 kilometro ang layo mula sa Arca South ay may mga mosque, sariling barangay hall at bagong community center. May itinatayo ring bagong health center at kasalukuyang nasa rehabilitasyon ang Trade Center. Pinapaganda at isinasaayos din ang malawak na Maharlika Park.

Ang Barangay Maharlika ay may sarili ring paaralan na Maharlika Elementary School na ngayon ay nagsisilbing isa sa apat na Community Vaccine Centers ng Taguig. Layunin nito na mailapit sa komunidad at gawing mas madali at mabilis ang pagbabakuna sa lungsod.

Noong Mayo 13 naman ay nakiisa ang Taguig sa masaya at mapayapang selebrasyon ng Eid al-Fitr sa buong bansa.

Sa gitna ng pandemya ay naisagawa pa rin nang maayos, makabuluhan at may striktong pagsunod sa mga health at safety protocols ang nakaraang pagdiriwang ng Eid al-Fitr sa Barangay Maharlika.

Ang paggunita sa Ramadan at selebrasyon ng Eid al-Fitr ay naging matiwasay dahil karamihan sa ating mga kapatid na Muslim ay nanatili na lamang sa kanilang mga tahanan kasama ang kanilang mga pamilya sa mahalagang pagdiriwang na ito. Naging malaking tulong ito upang pigilan ang posibleng community mass gatherings at pagkalat ng COVID-19.

Sa ating pakikiisa sa selebrasyon na ito, pinayagan ng lokal na pamahalaan na buksan ang mga mosque sa lungsod na may 30% capacity upang patuloy na ipatupad ang mahigpit na pagobserba ng physical distancing. Bawal muna ang mga bata at senior citizens sa gitna ng patuloy na umiiral na community quarantine sa lungsod.

SM food to go Banner Ad

Kahit simple lamang ang naging pagdiriwang ng Eid al-Fitr dahil sa pandemya, nanatili ang taun-taon na pakikiisa ng lokal na pamahalaan at mga kinatawan sa Kongreso ng Taguig sa pista ng ating mga kapatid na Muslim.

Ipinagpatuloy pa rin ngayong taon ang pagbibigay ni Congresswoman Ate Lani Cayetano at Congressman Kuya Alan Peter Cayetano ng “boxes of love” na ibinahagi sa 100 Muslim leaders sa Barangay Maharlika. Naglalaman ito ng mga biscuits, cheesecake, cereal drink, fresh milk, pineapple juice, orange juice, energy drink at mga prutas.

Namahagi rin ng family packs sina Ate Lani at Kuya Alan sa halos 9,000 na pamilya sa Barangay Maharlika.
Ganito kalapit ang samahan ng Muslim community at mga lokal na opisyal sa Taguig. Puno ito ng pagmamalasakit at pagtutulungan.

Malapit ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa barangay kabilang na ang konsehal ng Taguig at department head ng lungsod na mula sa Barangay Maharlika.

Bukod pa rito, ipinagmamalaki ng Taguig ang 14 mosques na nasa iba’t ibang parte ng lungsod. Isa na rito ang makasaysayang Blue Mosque na matatagpuan sa Mindanao Avenue sa Barangay Maharlika.

Isa sa mga landmarks ng Taguig ang Blue Mosque na itinayo noong 1976. Ang tanyag na arkitekto na si Angel Nakpil ang nagdisensyo ng mosque na natatangi dahil sa kulay bughaw na dome nito. May library, conference rooms, clinic, madrasah classrooms at opisina para sa mga imams sa loob ng mosque.

Ang madrasah education naman ay malayang itinuturo sa mga kabataang Muslim sa iba’t ibang mosque at Muslim community sa lungsod.

Ginagalang sa Taguig ang kalayaan sa relihiyon at pagkakaiba sa pananampalataya ng bawat mamamayan.

Ang pagsasamahan na payapa, malaya at may pagkakaunawaan ang siyang magtatawid sa atin sa mga pagsubok sa ating bayan. Kung tayong lahat ay may malasakit sa bawat isa, mabilis tayong makakabangon at makikita natin ang tunay na halaga ng pagkakaisa lalo na sa gitna ng pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.