Abante Tonite Interactive

Barangay patrol sinalpok ng SUV, sakay na pasyente natuluyan

OUT OF ORDER

By
373

Nasawi ang isang 80-anyos na matandang lalaki habang isinusugod sa ospital matapos atakehin sa puso nang salpukin ng sports utility vehicle (SUV) ang barangay patrol motor vehicle kung saan nakasakay ang biktima, kahapon ng hatinggabi sa Ermita, Maynila.

Ayon kay SPO2 Anthony Jose ng Manila District Traffic Enforcement Unit, dadalhin sana sa Manila Doctors Hospital ang biktimang senior citizen na si Charlie Viray na residente ng Malate, Maynila, nang mangyari ang insidente dakong ala-una ng madaling-araw sa panulukan ng Taft Avenue at Padre Faura St., Ermita.

Nahaharap ngayon sa mga kasong damage to property with homicide at multiple physical injuries ang nagmamaneho ng Nissan X-Trail na may plakang XSG 713 na si Juan Lorenzo Labayen, 36-anyos at taga-New Manila, Quezon City.

Ayon kay Labayen, binabagtas niya ang lugar ­dakong alas-12:50 ng hatinggabi nang biglang sumulpot ang barangay patrol motor vehicle na minamaneho ni Jeffrey delos Santos kasama ang iba pang biktima na sina May Guillang, 55-anyos; Lorie May Guillang, 25; John lgnacloa, 20; at Chris Raven Vince, 18.

Base sa CCTV footage ng Supreme Court, nag-beat sa red light ang drayber ng barangay patrol, dahilan para masalpok ito ng SUV.

Isinugod sa Philippine General Hospital ang mga biktima pero idineklarang dead-on-arrival si Viray.