Abante Tonite Interactive

Baril nahulog, bala sapul sa ulo ni sarhento

394

Patay ang isang pulis makaraang aksidenteng pumutok ang baril nito na sumapul sa kanyang ulo sa loob ng San Pedro Police Station (PS) 2 sa lungsod ng Davao nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Davao City Police Director Police Col. John Kirby Kraft ang nasawing si Police Staff Sergeant Renante Dapa Mercado, nakatalaga sa nasabing himpilan.

Sa phone interview, sinabi ni Kraft na aksidenteng nahulog ang Glock 17 service pistol ni Mercado habang nakaupo ito sa kanyang mesa kung saan pumutok ang baril at sumapul sa ulo nito na siya nitong ikinasawi.

“Until now, we are still in shock from this unfortunate incident that claimed the life of our dear police officer,” pahayag ni Kraft.

Nakikiramay naman ang buong pamunuan ng Davao City police sa pangunguna ni Police Col. Kraft sa biglaang pagkasawi ni Mercado at iwasan sana ang pagkakalat ng mga maling kuwento sa social media hinggil sa pagkamatay ng nasabing pulis.

Sinabi ni Kraft na ang pagkamatay ni Mercado ay magsilbi sanang aral sa mga pulis sa tama at pag-iingat sa paghawak ng kanilang mga armas. (Edwin Balasa)