Abante Tonite Interactive

Barker tinadtad ng bala

137

Patay ang isang barker matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman habang natutulog sa ilalim ng tulay sa Brgy. New Era sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni P/Captain Juan B. Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Abdulsakur Salih, 25-anyos, naka-green t-shirt at brown short pants.

Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong mga bala mula sa di pa malamang kalibre ng baril.

Sa imbestigasyon ni PSSg. George Caculba, ng CIDU-QCPD, alas-kuwatro nang madaling-araw nang maganap ang krimen sa ilalim ng tulay sa Tandang Sora kanto ng Commonwealth Avenue.

Ayon sa saksing sina Edmund Santos at Jefferson Olabardo, tulog na rin umano sila di-kalayuan sa tinutulugan ng biktima nang gisingin ng sunud-sunod na putok ng baril.

Nang kanilang usisain ay tumambad ang duguang katawan ng biktima habang
papatakas naman ang suspek sakay ng di-naplakahang motorsiklo.

Masusi pa ngayong nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya. (Dolly Cabreza)