Abante Tonite Interactive

Baron, L’spikers papana ng F4 slot

By
3,417

Malamang na mamana ulit ang trio nina reigning MVP, skipper Mary Joy Baron, Kim Kianna Dy at Desiree Wynea Cheng para makalimang deretsong ragasa at masapol ng DLSU lady spikers ang unang silya sa Final Four.

Sa pagpapatuloy ito ng hostilidad ngayon ng 80th UAAP women’s indoor volleyball tournament 2017-2018 se­cond round eliminations sa The Arena sa San Juan City.

Alas-kuwatro ng hapon rarampa ang tatlong nananalanta sa kasalukuyan sa league-leading DLSU (8-2) kontra sa nasa ilalim na UE Lady Warriors (2-8) sa walong paaralang liga.

Pero aagaw din ng pansin nang pasiklaban ang tampok na dala­wang libero ngayon ng liga na sina Dawn Macadili ng Taft-based volleybelles at Kath Arado ng mga balibolista ng Recto.

“Yung buhay ng UE, na kay Arado,” giit ni La Salle coach Ramil de Jesus, na patututukan din sa kanyang mga alagad sina Shaya Adorador, Meanne Mendrez at setter Lai Bendong. “Kaya hindi pwedeng biruin ang UE.”

Atat pang bumangon ang L’Warriors dahil nasa magkasunod na pagkasubasob.

Sa alas-dos ang tokang salang ng kasalo sa terserang Far Eastern University (6-4) at nasa pang-anim na University of the Philippines (3-7).

Kapwa naghahabol din ng panalo ang FEU Lady Tamaraws para masolo ang third, at ang UP Lady Maroons upang lumakas ang kampanya sa Final Four.