Abante Tonite Interactive

Barroca, Hotshots walang hiya

420

Taas-noo pa rin ang Magnolia Pambansang Manok kahit kinapos sa PBA Philippine Cup Finals.

Isang possession lang nagkatalo, at naisuko ng Hotshots ang 72-71 loss sa San Miguel Beer Miyerkoles ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nasagad ng Magnolia sa pitong laro ang series, pinahirapan nang todo ang Beermen bago naitaas ang panlimang sunod na all-Filipino crown.

Habang tinatastas ni Christian Standhardinge­r ang net na itatabi sa pang-26 na tropeo ng SMB, tinatanggap naman ng Hotshots ang kanilang runner-up trophy.

“Wala kaming dapat ikahiya,” giit ni guard Mark Barroca. “Binigay namin best namin, masaya pa rin kami.”

Nagbaon ng floater si Barroca na nagbigay sa Hotshots ng pinakamalaking 43-36 lead sa third.

Pero kailangan daw nilang matuto roon.

Nalimitahan pa ng Magnolia sa katiting na 5 points ang Beermen sa second quarter.

“’Yun ang masakit, lamang kami ng malaki tapos talo,” panapos niya.

Tumukod man ang Hotshots, maihahanay ang mga pangalan nina coach Chito Victolero, Barroca, Jio Jalalon, Ian Sangalang, Paul Lee at Rafi Reavis sa iilang nagpahirap sa San Miguel. (Vladi Eduarte)