Abante Tonite Interactive

Basang-basa sa ulan

336

Dear Dream Catcher:

Nanaginip po akong mag-isa raw akong naglalakad sa kalsada. Bigla pong bumuhos ang malakas na ulan at wala akong masilungan. Naramdaman ko pong hindi ko alam kung saan ako sisilong. Malalaki po ang patak ng ulan at basang-basa ako. Pinipilit ko pong tumakbo pero parang hindi ako umaalis sa puwesto ko kaya natakot na ako. Doon na po ako nagising.

Ellen

Dear Ellen:

Ang ulan ay tubig at ang tubig ay sumisimbolo sa kalinisan, fertility at cleansing. Ang pana­ginip tungkol sa ulan ay tumutukoy rin sa emosyon na maaaring pinagdaraanan mo.

Ang iyong panaginip na nababasa ka sa malakas na ulan ay maaari ring indikasyon na sa buhay mo, meron kang kailangang linisin. Alisin sa iyong pagkatao.

Ang ganitong panaginip ay mas mabibigyan mo ng interpretasyon kung pag-aaralan mo kung ano ang naramdaman mo habang nanana­ginip ka. Sinabi mong natakot ka dahil wala kang masilungan at dahil parang naparalisa ka habang nasa gitna ka ng ulan kung saan pinipilit mong makatakbo pero hindi ka gumagalaw sa puwesto mo.

Related Posts

Pag-aralan mo kung ano ang tunay mong sitwasyon, naroon ka ba sa isang sitwasyon na pakiramdam mo’y kailangan mong merong baguhin pero hindi mo ito magawa at tila napipigilan kang gawin ito? Kung meron kang ganitong pinagdaraanan, dito mo puwedeng ikonek ang iyong panaginip.

Ang malakas na ulan ay puwede ring indikasyon ng depres­yon lalo na kung may mga isyu kang pinagdaraanan tulad sa love life o pamilya. Kung ganito naman ang sitwasyon mo, ang pagbuhos ng ulan ay maihahalintulad sa unos ng buhay na iyong pinagdaraanan.

Sa bawat pag-ulan lagi kang may opsyon na sumilong, lagi kang puwedeng may matakbuhan para hindi ka mabasa. Ito ang itatak mo sa isip mo at ‘wag mong hayaan ang sarili mo na malunod sa anumang emosyunal na pinagdaraanan.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihi­yon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.