Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Basbas ni Duterte malaking tulong kay Moreno

0 196

Usap-usapan pa rin ngayon ang naging pahayag ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi siya tatanggi kapag inendorso siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 presidential elections.

Ito ay matapos na umatras ang minamanok ng Pangulo na si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa Halalan 2022. Gayunman, hindi pa niya binabawi sa Commission on Elections (Comelec) ang certificate of candidacy (COC) for presidency.

Hindi pa man pinal ang pag-atras ni Go, pag-usapan natin ang naging pahayag ng pambato ng Aksyon Demoratiko sa minimithing basbas ni Duterte.

“Hindi ako tatanggi. Ang pulubi, hindi nakakapamili,” wika ni Moreno sa isang ambush interview noong nakaraang linggo.

“Umaasa ako sa lahat ng tulong kasi from the beginning, nagtapat ako na kailangan ko ng tulong… Kailangan ko ng mga allies, loyalists, believers, followers and volunteers,” pag-amin pa niya.

Balwarte ni Moreno ang Maynila pero kailangan niya ng mas maraming lugar at suporta ng mga political leader para magkaroon siya ng magandang laban sa pampanguluhang halalan. Sa nakaraang survey ng SWS, pumangatlo siya sa likod nina dating Sen. Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Leni Robredo.

Inaamin naman ni Moreno na dahil nanggaling siya sa isang mahirap na pamilya, wala siyang masasandalang political clan o malaking partido politikal na siyang tutulong sa kanyang kandidatura kumpara sa mga kalaban niya sa presidency.

Kaya naman mapapalakas ang kanyang kandidatura kung susuportahan siya ni Pangulong Duterte sa darating na halalan.

“Kung ako ang mapupusuan nila, salamat, thank you in advance. Pero ayoko pa rin pangunahan sila until they say so,” saad pa ng alkalde. “For the meantime, I am always hopeful. Antayin ko na kursunadahin nila ako.”

Nangako na si Moreno na kanyang ipagpapatuloy ang kontrobersyal na giyera kontra droga ni Duterte kung saan pagtutuunan niya ang pakikipaglaban sa mga dayuhang drug lord at mga courier na siyang salot ng lipunan.

Sakali mang makuha ni Moreno ang basbas ni Pangulong Duterte at hindi ko sinasabing imposible itong mangyari dahil sa politika, lahat ay posible.

‘Yun nga lang, haharapin ni Moreno ang statistics ng maraming natalong kandidato ng administrasyon simula kay Ramon V. Mitra, Jose de Venecia Jr., Gibo Teodoro at Mar Roxas. Si Gloria Macapagal-Arroyo lang ang nanalong kandidato ng administrasyon dahil siya ang nakaupo noong 2004 presidential elections pero may bahid ng pandaraya ang pagkakapanalo nito kay Fernando Poe Jr.

Pero malaking bagay pa rin ang makinarya ng gobyerno at suporta ng administration party kung masusungkit ang endorsement ng nakaupong Pangulo ng bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.