Abante Tonite Interactive

‘Baseco beach’ dinagsa ng mga tao

281

Dumagsa kahapon, Sabado de Gloria, ang mga tao sa tinagurian nilang ‘Baseco beach’ sa Tondo, Maynila sa kabila ng hindi pa ito maituturing na ligtas at malinis ang tubig dagat na sakop ng Manila Bay.

Nabatid na simula ng Semana Santa ay libong tao na ang dumayo sa ‘Baseco beach’ at inaasahang hanggang ngayong Linggo ng Pagkabuhay ay patuloy pa itong pupuntahan ng mga taong gustong maglublob sa dagat dahil na rin sa mainit ang panahon.

Bukod kasi sa libreng maligo ay malapit pa sa kanilang lugar ang ‘Baseco beach’ kahit pa may naglulutangan na mga basura dito.

Dahil dito, naglagay na lamang ng tolda at donation box ang Barangay 649 na siyang nakakasakop sa lugar at nagsisilbi na rin bilang life guard ng ‘Baseco beach’ ang mga tauhan ng barangay.

Gagamitin umano ang nakukuhang donasyon sa paglilinis sa ‘Baseco beach’.

Nabatid sa mga tao sa barangay na nahihirapan silang pagbawalan ang publiko dahil umaabot sa libong katao ang mga naliligo roon.

Bukod sa kulang ang pondo, kulang din sila sa taong magbabantay sa lugar.

Kaugnay nito, humihingi ng tulong sa national government ang mga taga-Barangay 649 para ma-regulate ang mga tao na naliligo sa ‘Baseco beach’ tulad ng paglalagay ng bakod tulad ng ginawa sa ibang bahagi ng Manila Bay. (Juliet de Loza-Cudia)