Abante Tonite Interactive

Baseco raid: 3 patay, higit 1K dinampot

665

Tatlong katao ang nasawi samantalang higit 1,000 lalaki ang dinampot matapos salakayin ng pinagsanib na mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang Baseco Compound sa Port Area, Maynila nitong Linggo nang hapon.

Nabatid na alas-dos ng hapon nang isagawa ang Simultaneous­ Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa Baseco ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Manila Police District (MPD).

Ginalugad ng mga nakasibil­yang tauhan ng CIDG at mga naka-full battle gear na operatiba ng MPD ang buong Baseco.

Batay sa inisyal na ulat, habang isinasagawa ang SACLEO ay nakarinig ng putukan na nagresulta sa pagkamatay diumano ng tatlong hindi pa nakikilalang mga lalaki.

Wala pang opisyal na report ang MPD hinggil sa pagkakaki­lanlan ng tatlong lalaki at kung paano sila napatay.

Higit 1,000 iba pang kalalakihan ang dinampot at dinala sa isang covered court para kunin ang kanilang mga pangalan at isailalim sa beripikasyon.

Ayon kay MPD deputy director P/Col. Antonio Yarra, bebe­ripikahin ang lahat ng lalaking kanilang binitbit sa covered court para malaman kung may sangkot sa mga ito sa kalakaran ng iligal na droga o mayroong nakabinbin na warrant of arrest.

Pauuwin naman aniya ang mga walang criminal record.

Matatandaang binigyan ng isang linggo ni Mayor Isko Moreno ang mga awtoridad upang linisin ang Baseco Compound laban sa iligal na droga at mga baril.

Inutos ito ni Moreno matapos ang isang pagpupulong sa anti-illegal drug council ng Maynila. (Juliet de Loza-Cudia)