Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Basecommunity ‘dream come true’ para sa mga iskwater na gaya ko

0 113

Masaya kong inihahayag na natupad na nitong nakaraang linggo, ang aking matagal nang pangarap na mabigyan ang mga iskwater at kapwa taga-Maynila mula sa mahirap na komunidad ng Baseco ng tahanang masasabi nilang tunay na kanila.

Ako at ang aking masipag na kaagapay sa trabaho na si Vice Mayor Honey Lacuna ay naglunsad noong Disymbre ng nakaraang taon ng ‘BaseCommunity’ na aming ipinangako ay na magiging bagong mukha ng depressed area ng Baseco sa Tondo, Maynila.

Nitong nakaraang linggo ay pinasinayaan naman namin ang ‘BaseCommunity’ kung saan ang ilang paunang units ay aming iginawad sa mga karapat-dapat at kwalipikadong residente, kasabay ng paglulunsad din namin ng bagong playground para sa mga bata.

Sa aking maikling talumpati ay aking pinasalamatan ang mga residente dahil tinulungan nila akong maging alkalde upang nang sa ganun ay matulungan ko rin sila at magamit ko ang ipinagkatiwalang puwesto sa akin upang iangat ang pamumuhay ng mga taga-lungsod.

Ang ‘BaseCommunity’ na aming pinasinayaan nitong nakalipas na linggo ay una lamang sa serye ng housing projects na aming nasimula na at sa katunayan, habang isinusulat ang pitak na ito ay naghahanda na ang inyong pamahalaang –lungsod para sa ‘BaseCommunity Phase 2.’

Kami sa inyong lokal na pamahalaan sa Maynila ay hindi papayagan ang pandemya na ihinto ang aming mga pangarap para sa mga mahal naming Batang Maynila na naniniwalang tanging ang mga lider nila sa ngayon ang maari nilang masandalan sa gitna ng krisis.

Ang ‘up-and-down’ o two-storey townhouses na para sa mahihirap at mga iskwater na residente ng Baseco ay may sukat na 20 square meters kada palapag. Mayroon itong dalawang kwarto, kusina, banyo, labahan at maging study area. Ang housing units ay nasa lugar kung saan tinupok ng sunog ang mga barong-barong ng mga residente at ito ay aming hinati-hati sa kanila nang pantay-pantay.

Ang ‘BaseCommunity’ ay umpisa pa lamang ng mga ib apang housing programs na aming inilinya kasama ang Tondominium 1, Tondominium 2 at Binondominium.

Unawang-unawa ko ang damdamin ng mga iskwater dahil literal na doon din ako nanggaling.

Malinaw pa sa aking alaala kung paano ako, gaya ng aking mga magulang, nag-aalala sa araw-araw kung kami ba ay may mauuwian pang bahay matapos maghapon magtrabaho sa labas. Ang banta ng demolisyon o mapaalis sa di mo pag-aaring lupa ay palagiang nakaamba sa amin noon.

Gaya ng marami, ang aming pamilya ay nangangarap din noon na magkaroon ng sariling tahanan at panatag na pag-iisip na may bubong parati sa aming ulunan.

Masuwerte lamang na ako ay napapasok sa larangan ng pag-aartista at unti-unti ay bumuti ang aming buhay hanggang sa nakaranas din kami na makatira sa isang tunay na bahay.

Kabisado ko ang pag-iisip at damdamin ng mahihirap at kung gaano kahirap ang walang sariling tahanan dahil pinagdaanan ko ito sa tunay na buhay.Sa karanasang ito ako kumukuha ng hugot kaya naman pinangarap ko din na makapagbigay sa mga kapwa ko iskwater, at maging sa mga nangungupahan, ng bahay na maari nilang tawaging kanila talaga.

Pinakinggan ko rin ang hinaing ng mga residente na nagsasabing sila ay nakatira sa barong-barong bilang mga iskwater sa Baseco sa loob ng napakahabang panahon na umaabot pa ng 30 taon. Pinalala pa ang kondisyon nila nang tupukin ng apoy ang kanilang lugar.

Ang tangi kong hiling sa mga benepisyaryo ay tiyakin nilang aalagaan at pananatilihin nilang maayos at malinis ang mga nasabing units na iginawad ng pamahalaang-lokal at gayundin ang kanilang kapaligiran doon.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, di porke squatter ka ay kailangan mong maging dugyot. Umaasa din ako sa tulong ng mga barangay officials sa pagpapanatili ng kalinisan doon.

Labis ang aking pasasalamat kina Vice Mayor Lacuna at sa Manila City Council kung saan siya ang presiding officer, pati na din kay majority floorleader Atty. Joel Chua sa kanilang tulong upang magkatotoo ang aking pangarap, sa pamamagitan ng pagpasa nila ng kaukulang ordinansa para maisakatuparan ang nasabing proyekto.

Marami ring salamat kina city engineer Armand Andres, city electrician Randy Sadac, city architect Pepito Balmoris at sa mga barangay officials na tumulong sa naturang horizontal housing project. Gayundin kina Atty. Cris Fernandez at department of public services (DPS) chief Kenneth Amurao sa pagpapanatili ng kalinisan sa naturang lugar.

Siyempre pa, salamat sa mga construction workers na natitiyak kong gaya namin ay natutuwa na hindi nasayang ang kanilang pagsusumikap dahil maraming mahihirap na pamilya ang makikinabang sa proyektong kanilang ginawa.

Sa tulong at suporta ng lahat, lahat ng uri ng pangarap ay maaring matupad sa aming mahal na lungsod.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.