Abante Tonite Interactive

Basketbol: Ang sport na pang-summer

By
1,325

Ngayong mga buwan ng Abril at Mayo, karamihan ng mga kabataan ay may dalang bola, upang makalaro sa mga parke, kasama ang mga barkada o kaibigan. Ito na nga ang mga buwan ng basketbol.

Sa PBA, katatapos lang masungkit ng San Miguel Beer ang kampeonato ng All Filipino Conference, at ako’y nagagalak at nakuha muli ng dating PBA Rookie of the Year noong 1985 na si Coach Leo Austria ang kanyang ika-6 na kampeonato sa PBA.

Napakaganda noong Game 5 ng championship kasi lumaban nang husto ang koponan ng Magnolia Chicken, at nanalo lang ang San Miguel, pagkatapos ng dalawang overtime. Dito nakita ang galing ng ‘first five’ ng San Miguel na sila Marcio Lassiter, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at ang Best Player of the Conference na si June Mar Fajardo. Kaya naman marami ang nagsasabi na ito na daw ang pinakamagaling na first five sa kasaysayan ng PBA.

Ang U16 team na pinangungunahan ni Kai Sotto, ay nagwagi ng pang-apat na pwesto sa katatapos na torneo ng FIBA U16 sa China, at lusot sila para sumali sa isa pang torneo ng FIBA na gagawin sa Argentina. Si Kai Sotto ay isang napaka-espesyal na manlalaro. At nakikita ko na marami-raming talent scout sa NBA ay nakatutok ang mga mata sa kanya.

Ito na siguro ang pagkakataon na magkakaron na ng full blooded Pinoy na maglalaro sa NBA.

Ang liga naman na tinayo ni Senator Manny Pacquiao, ang Mahar­lika Phils. Basketball League, ay nag-annunsiyo na marami-raming koponan ang sasali sa MPBL sa susunod na torneo. Ito ay magandang balita lalo na sa mga manlalaro na walang oportunidad sumali sa PBA or D League.

Sa larangan naman ng basketball camps at clinics, marami-raming organisasyon ang nagtatayo ng mga klinik para matuto ng tamang basketbol ang mga kabataan. Bawat eskuwela­ yata, may makikita kayong nakapaskil na streamer na merong basketball cli­nic sa paaralan at puwede kayong mag-enroll.

Ang malalaking basketball camp or clinic ngayon ay ang Alaska Powercamp, Jr. NBA, Coach E, Milo Best at ang Spalding Basketball Camps.

Kapag summer talaga, basketbol ang i­naatupag ng mga batang Pinoy. Napakaraming liga sa lansangan.