Abante Tonite Interactive

Basura ng Canada lamat sa magandang relasyon

418

Hindi man direktang aminin ng gobyerno ay mayroon ng lamat ang dati ay magandang relasyon ng Pilipinas at Canada dahil sa tone-toneladang basurang itinapon sa Pilipinas anim na taon na ang nakalipas.

Kinakailangan pang hintayin ang ultimatum bago kumilos ang Canad­a na tumugon sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabalik sa kanila ang itinapong basura kapag hindi nahakot hanggang May 15.

Lumaki ang isyu hanggang sa diplomatic level kung saan pinauwi ng gobyerno ang Philippine Ambassador at Consul na itinalaga sa nabanggit na bansa at ngayon ay pinag-iisipan na ring pauwiin pati ang labor attache’ na nakadestino sa Vancouver at Toronto.

Dito makikita kung gaano katigas ang Canada dahil handang isakripisyo ang relasyong bilateral sa Pilipinas sa halip na sumunod na lamang.
Ilang taon na ang mga basurang itinapon sa bansa at kahit si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ay nag-tengang kawali lamang nang igiit sa kanya ang pag-aksiyon matapos dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa bansa.

Ikinatwiran ni Trudeau na private company ang may transaksiyon sa itinapong basura sa Pilipinas kaya hindi aniya ito saklaw ng kanyang gobyerno. Kapal ano?

Ilang taong nagtitiis ang mga residente sa Tarlac at Zambales sa epekto ng mga basura at may mga napaulat na nagkasakit dahil tumagas ang basura na karamihan ay hospital materials at mga gamit na diapers , pero pinalitaw na plastic bottles ng importer.

Ang ibang basura na nasa container vans pa rin ay nasa Port of Manila at Subic Port at hindi ginagalaw dahil sa peligrong maaaring idulot nito.
Malakas ang loob ng gobyerno na mag-demand at hindi nanga-ngamba sa may 800,000 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Canada dahil legal naman ang mga ito at kailangan sila ng Canada.
Hindi umubra sa gobyerno ang pahayag ng Canadian Foreign Mi-nistry na dismayado sila sa pagpapauwi sa top diplomats ng bansa dahil ang isyu ay ang mga basura at naghihintay pa rin ang mga opisyal kung kikilos ang Canadian government.

Sinabi ng Malacañang na magsilbing warning na rin ito na tinutuldukan na ng gobyerno ang ilang dekadang ugnayang diplomatiko sa Canada.

Nakakagalit isiping ginawang tambakan ang Pilipinas at niyurakan ang karangalan natin bilang isang bansa. Hindi tayo basurahan para gawing tambakan ng tone-toneladang basura.

Kung susuriin, repleksiyon ito ng mahinang pamamahala sa mga nakalipas na mga taon dahil walang ginawa agad ang mga opisyal para ipahakot ang tone-toneladang basura at hinintay pa ang susunod na administrasyon para gawin ito.

Para naman sa importer ng mga basura, lumantad ka sa publiko at ipaliwanag mo kung bakit ipinasok mo ang basura ng ibang bansa. Mas mahalaga ba sa yo ang kinita mo kaysa sa perwisyong idinulot nito sa kapwa mo Pilipipino?
Baka nga hindi ka Pilipino. Baka isa ka sa mga lahing ang pinapahalagahan ay ang salaping kikitain. Tandaan mo, mayroong tinatawag na KARMA at sana ikaw lang ang tamaan nito at hindi ang buong angkan mo.