Abante Tonite Interactive

Bata lang ang kaya!

SPY ON THE JOB

255

Eto na naman sila—matapos ang undas eh parang patay na muli na namang nabuhay ang mungkahing sapilitan o obligahin ang uhugin pang mga batang mag-aaral na nasa Grade 4 pataas para ipa-drug test.

Ano nga bang problema ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at tila mainit ang tumbong nila sa mga batang edad 10 pataas at gustong-gusto niyang ipa-drug test nang sapilitan, as in lahat ng Grade 4 pupil pataas? Tanong ng ating kurimaw, mga batang nag-aaral lang kaya sa mga pampublikong paaralan ang ipapa-drug test o kasama ang mga nasa private school?

Sigurado kasi ang ating kurimaw na tiyak na walang magagawa ang mga magulang ng mga nag-aaral sa mga public school kaya mapipilitan silang pumayag na ipa-drug test ang kanilang mga anak kahit ayaw nila. Pero ang mga nasa private school na may pera at kayang makipag-debate ang mga magulang nang inglisan, aba’y tiyak na dudugo ang ilong ng PDEA sa kakapaliwanag. Bukod doon, tiyak na makakarinig sila ng katagang, “see you in court.”

Ang mahirap pa nito, biglang nag-iba ang ihip ng maantot na hangin sa Pasig river sa bahagi ng Malacañang tungkol sa nasabing usapin. Kung nitong nakaraang Hunyo ay sinabi ni dating Presidential spokesman Harry Roque na hindi tamang ipatupad ang mandatory drug test sa mga Grade 4 pupil dahil hindi naayon sa batas, aba’y iba naman ang linya ng bagong tagapagsalita ng pangulo na pabor sa gusto ng PDEA at hindi na raw kailangan ang batas para ito ay ipatupad.

Noon kasi, ang posisyon ni Roque ay naayon sa posisyon ni Education Secretary Leonor Briones na batay sa batas, pinapayagan ang ‘random drug testing’ [hindi mandatory] para lang sa mga high school at college student. Gaya ni Roque, abogado rin ang spokesman ng Pangulo pero iba ang andar ng utak niya sa naturang isyu dahil sa paniwala niya na papayag ang mga magulang na ipa-drug test ang kanilang mga anak.

Ang tanong…sinong maysabi sa kaniya? Ang survey ng Social Weather Station?

Sabi kasi sa naturang survey, 51% daw ng mga tinanong ay payag na ipa-drug test ang mga grade 4 pupil at 36% ang tutol, at may 13% pang undecided. Pero sapat na bang batayan ang naturang survey para suportahan ang gustong mangyari ng PDEA? Tanong din ng ating kurimaw, ilan kaya sa mga na-survey o tinanong ang may anak, kapatid o kasama sa bahay na batang Grade 4 pataas?

Kung gigil ang PDEA at pati spokesman ng Pangulo na i-drug test ang mga bata, bakit kaya hindi nila lalong panggigilan na ipa-drug test nang sapilitan ang lahat ng politiko, opis­yal, at mga kakandidato sa darating na halalan. Parang lumalabas tuloy na bata na lang kasi ang kaya nila. Bukod doon, mahihirap o karaniwang manggagawa ang mga magulang ng mga nasa public school na hindi kayang magpetisyon sa korte para kuwestiyunin ang mandatory drug test.

Batid kasi ng PDEA at palasyo na may de­sisyon na noon ang Korte Suprema na nagsasabing labag sa Konstitusyon na ipa-mandatory drug testing ang mga kandidato. Gusto rin kaya nilang subukan na umabot sa SC ang trip nilang ipa-drug test ang mga bata?

Ang SWS naman, may survey rin kaya para alamin ang pananaw ng mga tao kung pabor sila o hindi na ipa-drug test ang mga kandidato? Kung tutuusin, kahit hindi mandatory, dapat i-pressure ang mga kandidato na boluntaryong magpa-drug test dahil na rin sa pahayag ni President Mayor Duterte na maraming politiko ang gumagamit, protektor at sangkot sa droga.

Batay sa dating lumabas na ulat, mahigit 10 milyon ang mga batang mag-aaral na nasa Grade 4 hanggang Grade 12 ang ipada-drug test kapag natuloy ang pagpatol nila sa mga bata. Aba’y pagkadami-daming drug test kit nito at tiyak na tiba-tiba kung sino man ang makakakuha ng kontrata dahil malamang na aabot sa bilyon ang halaga ng mga gagamitin.

Kung gagastos din lang ng bilyon-bilyong pondo sa drug test kit na hindi naman alam kung mayroon nga ba talagang adik na batang mag-aaral, bakit hindi na lang gastusin ang pera sa feeding program ng mga payatot at mahihirap na mag-aaral na mas madaling nakikita, lalo na sa mga malalayong lugar?

Sa halip na mandatory at gawin sa lahat ng mga mag-aaral, bakit hindi na lang pumili ang PDEA ng paaralan na nasa lugar o komunidad na talamak ang droga at doon na lang magsagawa ng random o boluntaryong drug test sa mga batang mag-aaral. Iyon nga lang, tiyak konti lang ang drug test kit na magagamit nila. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”