Abante Tonite Interactive

Bata natuluyan sa bigti-bigtian

431

Patay na nang matagpuan­ ang isang 8-anyos na totoy matapos umano itong aksi­denteng mabigti habang naglalaro Sabado ng gabi sa Rodriguez, Rizal.

Ang biktimang itinago sa pangalang Ramil, 8, ay natagpuang nakabigti gamit ang plastic straw na nakapulupot sa kanyang leeg at ang kabilang dulo ay nakatali sa konkretong bakod.

Sa ulat ng pulisya, alas-6:30 ng gabi nang madiskubre ng isang Jeffrey ang bangkay ng biktima sa Sitio Yagit, Phase 3, Brgy. San Isidro ng nabatid na bayan.

Sinubukan pang isugod sa H-Vill Hospital ang biktima subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng sumuring doktor.

Ayon sa saksi, posibleng aksidenteng nabigti ang biktima nang madulas at mahulog ito sa tinutuntungang bakod.

Dagdag pa ng saksi, bago ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima ay narinig umano niya itong niyaya ang kanyang dalawang anak na maglaro ng bigti-bigtian, suba­lit hindi umano niya pinayagan ang dalawa niyang anak dahil padilim na.

Patuloy naman ang imbes­tigasyon ng pulisya sa tunay na pangyayari. (Edwin ­Balasa)