Abante Tonite Interactive

Bata ni Alan ngalngal sa P80B ipit pork

486

Pinalagan ng isang kasamahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagharang ng Malacañang at Department of Budget and Management (DBM) sa P80 bilyong congressional realignment.

Sa kanyang privilege speech, ipinahayag ni Capiz Rep. Fredenil Castro ang matinding pagkadismaya sa ­ginawang pagharang sa inilaang pondo para sa kanilang mga nasasakupan.

Partikular na binatikos ng kongresista ang umano’y nagsulsol o trumabaho na tinawag pa niyang “ligaw at halang ang kaluluwa” upang harangin ang pagpapalabas ng naturang pondong nakalaan para sa mga proyekto ng kanilang nasasakupan.

“Ang pagharang ng pondo o alokasyon ay magdudulot ng kabiguan sa ating mga mamamayan na nangangarap na matupad na ang kanilang pinapangarap na kaunlaran sa kabarangay, bahay at buong bansa,” giit ni Castro.

Dahil dito, hinimok ni Castro ang mga kasamahan nito na sama-samang ipaglaban ang nararapat para sa kanilang mamamayan.

“Tayo ay sama-samang ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan, sama-sama tayong ipagtanggol ang karapatan ng Mababang Kapulungan bilang bulwagan ng mamamayang Pilipino,” dagdag ni Castro.

Magugunitang si Senador Panfilo Lacson ang nagsiwalat ukol sa pagharang ng Malacañang at DBM sa naturang congressional realignment na suportado naman ng mambabatas. (Eralyn Prado)