Abante Tonite Interactive

Bata ni Erap tumalon sa rooftop

By
1,406

Nasawi ang isang empleyado ni Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa Manila City Hall na dumaranas umano ng depresyon, matapos tumalon sa rooftop ng may 16 na palapag na condominium sa Felix Huertas St., Sta. Cruz, Maynila kahapon nang umaga.

Kinilala ni SPO4 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, ang namatay na si Ronald Sarmiento, 49-anyos, empleyado ng Department of Public Safety ng Manila City Hall at nakatira sa condominium sa naturang lugar.

Naganap umano ang insidente dakong alas-7:20 nang umaga matapos umakyat sa rooftop si Sarmiento bitbit ang isang timba na may mga laman na damit.

Hanggang sa may nakakita umano na bumagsak ang isang naka-hanger na damit, sinundan ng dalawa pang damit at kulay asul na bull cap mula sa roof top ng condo.

Kasunod nito ay nakarinig ng malakas na kalabog at nakita si Sarmiento na bumagsak sa windshield ng isang Honda Jazz na nakaparada sa tapat ng condo.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya, nakita sa CCTV ang pagdating ni Sarmiento sa isang unit ng condo na pag-aari ng kanyang kapatid na si Rowena Nakase na nasa Japan. Sumunod na nakita ang pag-akyat nito sa rooftop ng condo.

Ayon sa hindi pinangalanang anak ni Sarmiento, kasaluku­yang nakabakasyon ito sa kanyang trabaho sa city hall.
Nalaman din na du­maranas umano ng depresyon ang kanyang ama at kasalukuyan itong naggagamot.

Samantala, iniimbes­tigahan pa ng pulisya ang insidente para matiyak kung sadyang nagpakamatay nga si Sarmiento o aksidenteng nahulog lamang ito mula sa roof top ng condo.