Abante Tonite Interactive

Bata ni KAPA-Apolinario timbog sa boga, bungkos na pera

210

Natimbog ng pulisya ang isang lalaki na nagpakilalang bodyguard ni Kapa founder Pastor Joel Apolinario matapos makuhanan ng baril at mga bala sa isang checkpoint kahapon nang umaga sa Buawan, Davao City.

Kinilala ang suspek na si Edil­berto Naupan, 44-anyos, residente ng Bislig, Surigao del Sur. Ito ay pinosasan ng pulisya nang wala itong maipakitang dokumento sa nakuhang baril at mga bala sa loob ng kanyang kotse sa isinagawang checkpoint ng Task Force Davao at Bunawan Police Station kahapon nang umaga.

Bungkos-bungkos din na pera ang nakuha sa loob ng kotse ng suspek, ayon kay Police Major Noel Villahermosa, station commander ng Bunawan Police Station.

Nasamsam sa kotse ng suspek ang isang kalibre .45, 13 bala nito at limang box na naglalaman ng 77 piraso ng bala ng kalibre .22 long firearm gayundin ang P4 milyon na naka-bundle na tig-P500,000.

Sinubukan din umano ng suspek na suhulan ng P6,500 ang team leader ng checkpoint para siya ay pakawalan subalit hindi ito kinagat ng pulisya.
Nakakulong ngayon ang suspek sa Bunawan Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)