Abante Tonite Interactive

BATA NI OKADA NAWAWALA

By
55

Nakaalis na sa Pilipinas ang Taiwanese natio­nal na empleyado ng Okada Manila na ipinagharap ng kasong rape ng isang 23-anyos na dalagang negosyante sa Parañaque City.

Isang mapagkakatiwalaang source na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagkumpirmang nagtatrabaho nga ang suspek na si Andy Chang sa Okada Manila at isa ito sa mga supervisor ng Human Resources Department ng casino resort and hotel complex na pag-aari ng Japanese tycoon na si Kazuo Okada.

Sinabi ng source ng TONITE na kasalukuyang nakabakasyon si Chang ng isang linggo at posibleng ito ay nasa ibang bansa na.

Pero, hindi aniya sila puwedeng makialam sa anumang problemang kinakaharap ng bawat empleyado ng Okada ­Manila lalo pa’t isa itong dayuhan at opisyal ng kompanya.

“Wala po kaming alam sa kanyang kinakaharap na kaso at hindi po kami puwedeng makialam dito,” ayon pa sa source.

Sa pagkakaalam umano nito, magtatapos na ngayong araw ang bakasyon ni Chang.

“Sa ngayon po wala naman kaming alam dito sa nangyari, hindi naman po ito napapag-usapan sa loob ng tanggapan,” dagdag pa ng source.

Samantala, sa pana­yam ng TONITE kahapon ng umaga sa biktimang itinago sa panga­lang “Nancy”, nalaman na may sakit ito at patuloy na nagpapagaling.

Takot na takot pa rin umano hanggang ngayon si Nancy dahil sa nangyari sa kanya.

Aniya, sa oras na gumaling siya sa kanyang karamdaman ay kanyang haharapin ang reklamo laban kay Chang.