Abante Tonite Interactive

Batang aktres mahina ang puwersa sa laban

1,088

Napakalakas dapat ng puwersa ng kampo ng isang young female personality sa kinapapalooban niyang laban ngayon. Matatapang sila sa kanilang pamilya, artikulado silang magsalita, pero hindi ‘yun pinakinabangan ng batang aktres.

Magkakadugo man sila ay may nagaganap na pagpapaksiyon-paksiyon, may mga miyembro ang kanilang pamilya na magkakakontra, kaya hindi iisa ang kanilang galaw.

Kuwento ng a­ming source, “Pasensiya na lang siya, kasi, maraming nangyayari sa pamilya nila na hindi alam ng publiko. Malalalim ang mga issue nila, talagang matindi, kaya sa halip na magdamayan, e, nagkokontrahan pa sila ngayon.

“‘Yung isang tita niya na dapat na kakampi niya, e, may bitbit na sama ng loob sa kanya. Napakalaki kasi ng nagawa ng taong ‘yun sa kanilang magkakapatid, pero nu’ng humarap sa matinding problema ang tita niya, e, mukhang nagkaroon siya ng amnesia!

“So, bawas na agad ang taong ‘yun sa dapat, e, magiging depensa niya, ‘di ba? Kumampi pa nga ‘yun sa kalaban niya!” unang chika ng aming impormante.

Pumasok sa eksena ang kanyang lola, ipinagtanggol siya nito, na hinding-hindi nagustuhan ng isa pa niyang kapamilya.

Patuloy ng aming source, “Alam naman ng buong mundo na magkakontra ang mag-inang ‘yun, ‘di ba? Natural, kung saang kampo nandu’n ang mother, sa kalaban si daughter!

“Talagang marami nang nagtulay na pagkasunduin ang mag-ina, pero n­aging bingi ang girl, wala siyang pinakinggan at panahon. Malalim kasi ang pinaghuhugutan niya, hindi madaling maintindihan ‘yun ng ibang tao, pero unawang-unawa ang girl ng mga kaibigan niya na may malalim na alam sa kuwento.

“Ayan tuloy, parang lumalangoy ang young actress sa malawak na dagat na walang kakampi kundi ang lola, mommy at isang kapatid niyang sawsawera,” pagtatapos ng aming source.

John Lloyd, Ellen malalim ang problema

Mukhang malalim na ang problema sa pagitan nina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna. Ano kaya ang dahilan ng panghihingi ng TPO (Temporary Protection Order) ni Ellen na kabahagi ng kasong RA 9262, ang batas na nagbibigay ng proteksiyon sa ina at sa kanyang anak, may naganap bang matinding pisikal na pagsasakitan sa pagitan ng dalawa?

Bakit kaya nagdesisyon si Ellen na hindi sila malapitan ni Lloydie, nanga-nganib ba ang buhay ng sexy actress at ng kanilang anak, ganu’n na ba katindi ang nagaganap ngayon sa kanilang relasyon?

Napagkuwentuhan sa isang umpukan ang sitwasyon ngayon nina John Lloyd at Ellen Adarna. Parang nadadalian ang lahat ng magkakausap sa inabot ng kanilang relasyon samantalang tinalikuran ng aktor ang kanyang pag-aartista nang dahil kay Ellen?

Nakapanghihinayang na relasyon. Umabot si Lloydie sa puntong sinayang niya ang magagandang oportunidad na lantarang nakahain sa kanya bilang aktor pero ganito lang pala ang magiging resulta ng kanyang pagsasakripisyo sa mundong nagpaganda ng kanyang kabuhayan showcase at tumupad ng kanyang mga pangarap.

Hindi naman natin masasabing nagtikiman lang sila ni Ellen, ang personalidad lang na ito ang nagsenyal sa kanya ng pagtalikod sa mahal na mahal niyang karera, kaya seryosohan ang namagitan sa kanila.

Sino kaya kina Lloydie at Ellen ang madaling nagsawa sa kanilang relasyon? May kuwento na nagising na lang daw isang umaga ang seksing aktres na lumipad na ang pagmamahal nito kay Lloydie.

Isang malaking kalokohan ‘yun. Walang anumang bagay o sitwasyon sa mundong ito na nagaganap nang biglaan lang. Palaging merong pinagdadaanan ‘yun, may bahagdan ang pagtabang ng pagmamahal, mahabang salaysayin muna ang kailangang maganap bago maghiwalay ang mga taong nagmamahalan.