Abante Tonite Interactive

Batang ama hiniwalayan ng gf, nagsaksak sa sarili

By
1,727

Nalalagay ngayon sa balag ng alanganin ang buhay ng isang 14-anyos na binatilyo nang saksakin nito ang sarili dahil sa labis na sama ng loob sa kanyang 16-anyos na nobya na iniwanan siya at ang bagong silang nilang anak sa Brgy. Bignay, Valenzuela City.

Dahil menor de edad, itinago na lang sa pa­ngalang Ricky ang batang ama na unang isinugod ng mga kaanak sa Calalang Hospital bago inilipat sa Valenzuela City Medical Center sanhi ng malalim na saksak sa sikmura.

Sa salaysay ni Jervy Hernandez, bandang alas-tres ng hapon, binisita nito ang kaibigan para kumustahin.

“Kumakatok ako, pero walang sumasagot kaya nagpasya na akong pumasok kasi hindi naman nakakandado ‘yung pinto,” ani Hernandez.

Nagulantang si Hernandez nang makitang duguang nakahiga sa sahig at wala nang malay si Ricky. Nakahawak sa sikmura ang kanang kamay nito habang ang kaliwa ay hawak ang patalim na ginamit sa pagsaksak sa sarili.

Ayon kay PO3 Maria Luisa Cassandra Pobadora ng Women’s and Children Concerned Desk, isang oras bago nagsaksak sa sarili ang batang ama ay nag-post ito sa kanyang Facebook account na magpapakamatay.