Abante Tonite Interactive

Batang Dengvaxia babakuran ng 500 nurse – DOH

By ,
1,704

Ikakalat ng Department of Health ang 150 nurse sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila at Central Visayas region upang siyang tumutok sa kondisyon ng mga batang naturukan ng Dengvaxia.

Ayon kay DOH Undersecretary Rolando Enrique Domingo, aprobado ni Secretary Francisco Duque III ang 150 nurse na itatalaga sa iba’t ibang rehiyon.

May 350 karagdagang nurse pa ang itatalaga sa oras na aprobahan ng Kongreso ang hiling ng DOH na gamitin ang naibalik na P1.16 bilyon mula sa Sanofi Pasteur.

Isinusulong na ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na magamit pang-ayudang medikal sa mga nabakunahan ng Dengvaxia ang perang isinoli ng Sanofi Pasteur.

“This is a special appropriations measure, since right now, without the express authorization of Congress, the Sanofi refund is idle,” paliwanag ni Pimentel.

Pinayuhan naman ng isang opisyal ng DOH ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia na palakasin ang immune system ng kanilang mga anak upang matiyak na may panlaban ang katawan ng mga ito sa anumang karamdaman, partikular na ng dengue.

Sinabi ni Dr. Eduardo Janairo, ang bagong talagang regional director ng DOH sa Calabarzon, sa isinagawang Dengvaxia forum sa Imus, Cavite na hangga’t hindi pa natatapos ng DOH ang imbestigasyon sa pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, marapat lamang na gumawa ng mga hakbang ang mga magulang upang proteksyunan ang kanilang mga anak, tulad nang pagpapalakas ng katawan ng mga ito.