Abante Tonite Interactive

Batang killer tumira ng lineman

By
619

Tinutugis ng pulisya ang isang 14-anyos na binatilyo at isa pa nitong kasabwat, matapos umanong barilin at mapatay ang isang 22-anyos na lineman sa Tondo, Maynila.

Dinala pa sa pagamutan ang biktimang si Reconiel Cruz, lineman at residente ng Sardonyx St., Tondo, habang naaresto ang isa sa tatlong suspek na kinilalang si Elaine Ambrosio Zamora, 19, may live-in partner, at tumulong umano para makatakas ang iba pang suspek.

Itinago sa pangalang ‘Dondon’ ang gunman habang kinilala ang kasabwat nito na si Johnren Aguilar Pineda, 18, pawang mga residente ng lugar.

Nag-ugat umano ang pamamaril dakong alas-10:30 Sabado nang gabi sa panulukan ng Osmeña at Pacheco Street. Bago ang pamamaril nakipag­rambulan ang grupo ni Dondon sa ‘di pa tukoy na kalabang grupo at napadaan umano ang ina ng biktima na nagtangkang awatin ang awayan, hanggang matumba ito.

Nang malaman ng biktima ang nangyari sa ina ay sinugod nito at sinapak si Dondon, hindi nakapalag ang suspek at umalis sa lugar ngunit tumawag lamang pala ito ng resbak dahil bumalik din angkas sa motorsiklong minamaneho ni Pineda.

Dito na umano binaril ni Dondon si Cruz gamit ang shotgun, saka mabilis na tumakas sa tulong ni Zamora na sakay din ng motorsiklo. Hinabol sila ng mga concerned citizen.

Sinubukang habulin ng ilang concerned citizen ang mga suspek ngunit tanging si Zamora lamang ang naabutan ng mga ito.