Abante Tonite Interactive

Batang nangaroling, bangkay na nang matagpuan

544

Natagpuang patay sa gilid ng creek sa Bauan, Batangas ang isang 11-anyos na bata na nawawala pa mula noong bisperas ng Pasko.

Sa ulat ng Bauan PNP, pasado alas-dos ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Ma. Cristine Velerio y Mortel sa Brgy. Bolo.

Ayon kay Police Lt. Col. Joemar Labiano, hepe ng Bauan police, nakasuot naman ng pang-itaas na damit nang matagpuan ang bata subalit nakita ang pang-ibabang saplot nito mga 30 metro ang layo sa biktima.

Pinaniniwalaan ng pulisya na rape ang motibo sa krimen.

Isinasailalim pa ito sa pagsusuri ng Crime lab upang matukoy kung talagang ginahasa ang bata.

Sa inisyal na impormasyon, ginilitan sa leeg, sinuntok sa dibdib at sinaksak sa likod ang biktima ng mga suspek na siya nitong ikinasawi.

Ayon naman sa ina ng biktima na si Josephine Navarro, huling nakita ang kanyang anak dakong alas-kuwatro ng hapon nang umalis ng bahay, Disyembre 23 para umano mangaroling sa kanilang mga kapitbahay.

Ayon kay Labiano, may limang person of interest na silang tinututukan. (Ronilo Dagos)

Tonite – Wendys Inhouse Ad