Abante Tonite Interactive

Batang Pinoy 2020 walang reg’l meet

11,084

Tapos bonggang gastusan ang mga national athlete na nag-overall champion uli sa 30th Southeast Asian Games PH 2019 sa naklipas na buwan, ‘di muna magri-regional qualifying meet sa Batang Pinoy sanhi ng kakulangan ng pondo ang Philippine Sports Commission (PSC).

Kaya diretso Finals na agad ang Batang Pinoy at elite Philippine National Games ngayong taon na parehong idaraos sa bagong gawang Rizal Memorial Sports Complex Maynila at PhilSports Complex sa Pasig City.

Nagdesisyon ang PSC Board na kapwa isagawa na lang ang dalawang national grassroots sports development event sa Metro Manila upang ma-maximize ang dalawang bagong bihis na mga pasilidad.

Gusto rin ng PSC sa hakbang na ito na makatipid sa gastusin kumpara sa magagamit sa pagrenta at pagsasaayos pa ng ibang pasilidad pati na rin sa airfare ng mga sports equipment.

Sa pag-alis ng apat na regional elimination ng BP, ‘di pa madetermina ang petsa ng PSC National Events Secretariat sa pamumuno ni PSC Deputy Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr.

Nagka-regional elims sa Batang Pinoy sa nakalipas na taon sa Mindanao, Visayas, at Northern at Southern Luzon. (Lito Oredo)