Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Batas para sa maayos na internet kailangan natin

0 187

MAINIT ang usapin ngayon ng mga mambabatas, ekonomista at sa pagpasa ng mga amyenda sa Public Service Act na 80-taong gulang nang batas.

Ito ay basehan ng pagpapatakbo ng mga pampublikong serbisyo sa Pilipinas gaya ng paghahatid ng kuryente, tubig, transpotartasyon, telekomunikasyon at iba pang mga serbisyo na kailangan ng lahat ng mga mamamayan para mabuhay at magtrabaho.

Alinsunod sa Konstitusyon 40% lamang ang pwedeng maging pag-aari ng mga foreign investor sa mga kumpanyang nagpapatakbo ng public utilities. Kaya lang, walang depinisyon sa Konstitusyon, o kahit sa Public Service Act mismo, kung ano ang public utilities.

Noong Marso ay ipinasa ng Kongreso ang bersyon nila ng panukalang batas na ito at binigyang kahulugan ang katagang “public utility” kung saan ay inilagay nila sa batas ang mga pamantayan o criteria para masukat kung ang isang serbisyo ay isang public utility.

Dito ay inalis bilang public utility ang transportasyon at telekomunikasyon. Ang epekto nito ay pwede nang mag-may-ari ang mga foreign investor ng mas mataas sa 40% ng telekominikasyon at transportasyon company.

May malaking epekto ito sa kalidad ng serbisyo sa telekomunikasyon at transportasyon at maging sa internet, airlines at shipping.

Alam nyo bang sa panahon ng COVID-19, napakahalaga ng internet dahil halos lahat ng gawain gaya ng pagbili at pagbebenta ng mga pangangailangan, pag-aaral sa internet. Pati nga paghahanap ng trabaho ay sa internet na rin tayo lumalapit.

Ang masaklap, 67% lamang ng Pilipinas ang may internet at isa sa itinuturong dahilan ay kulang daw ang imprastraktura para magkaroon ng internet signal sa malalayong lugar. Para mapaganda ang imprastraktura at lumakas ang signal sa malalayong lugar kailangan ng malaking kapital.

SM food to go Banner Ad

Kaya sinasabi ng mga mambabatas na nagtutulak ng batas ng ito at ng mga economic managers ng gobyerno na kailangang maipasa ang Public Service Act, para makahikayat ng mga foreign investor at mapondohon pagpapatayo ng imprastrakturang ito.

Kaya naglabasan ang mga tutol sa panukalang batas na ito. Isa sa mga pinakamaingay na argumento ay magiging daan ang batas na ito upang maghari ang mga Tsinong kapitalista dahil maari raw mag-espiya ang mga dayuhang kapitalista, lalo na ang China.

Pero sinalag ito ng mga pabor sa panukala at ayon sa kanila, ang pinaka-epektibong paraan para pigilan ang paghahari ng mga kapitalistang Tsino sa Pilipinas ay siguraduhing mas maraming foreign investor galing sa iba’t-ibang bansa gaya ng US, Australia, Indonesia, Germany at iba pa, ang mag-invest sa Pilipinas.

Ito maari ang dahilan kaya suportado ng mga negosyanteng taga-US at Europe ang panukalang batas.

Ipinaliwanag rin nila na may sapat na mga proteksyon na maaring ipaloob sa panukalang batas na ito para sa seguridad ng Pilipinas na ginaya sa mga paraan na ginagamit ng mga bansa gaya ng US, UK at Australia na may mataas na pamantayan para sa seguridad ng kanilang bansa.

Para sa political-economist na si Calixto Chikiamco, ang mga humaharang sa PSA dahil sa galit o ka-praningan sa China ay hindi sinasadyang sinusuportahan ang paghahari ng mga Tsinong kapitalista sa bansa. Ayon sa kanya, ang istriktong mga batas ng Pilipinas tungkol sa foreign investment ay sinisiguradong mga Tsinong kapitalista lang ang magkaka-interes pumasok sa Pilipinas, dahil sila lang ang handang paikutan ang ating mga batas.

Ang ibang mga foreign investor ay papasok lamang kung patas at legal ang kanilang pakikipagsosyo sa mga Pilipinong negosyante. Sino na ba naman ang papayag na nagpasok ng 60% ng pera pero 40% lang ang pagmamay-ari?

Sa ganang akin ay patas lang dapat, kung ang batas ang magiging daan para magkaroon ng maayos na internet ang mas maraming Pilipino at pagpasok ng kapital galing sa mas maraming foreign investor galing sa iba’t-ibang bansa, dapat maipasa ang batas na ito sa lalong madaling panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.