Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bato abangers kay Mayor Sara

0 65

Ipinahayag ni Senador Ronald `Bato’ dela Rosa na ang liderato ng PDP-Laban sa pamumuno ng grupo ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang nagdesisyon sa pagpili sa kanya para tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 national election.

Naging malaking sorpresa sa hanay ng mga kandidatong naghain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) kahapon ang pagtakbo ni Dela Rosa sa pagka-pangulo.

“It was a party decision na tumakbo ako. Matagal na pero tinatago lang namin. `Yan ang mga diskarte na para…`Pag maaga ka magbalita, titirahin ka talaga. Kaya tinatago lang natin `yon,” pahayag ni Dela Rosa matapos maghain ng COC.

“Magpa-file ba ako kung `di ko gusto? Para tumakbo bilang pangulo, nag-file ako,” sagot pa ni Dela Rosa sa tanong kung ginusto ba talaga niyang sumabak sa presidential election.

Gayunman, nang tanungin kung maaari ba siyang palitan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kahit na hindi ito miyembro ng partido kaagad nagpahiwatig ang senador na puwede ito.

“Eh `di mas maganda,” sabi ni Dela Rosa.

“Pero this is a party decision. This is not my personal decision. Kasi kung ako lang masunod, kung papatakbuhin nila ako, tatakbo ako,” sabi ni Dela Rosa.

Hindi naman masagot ni Dela Rosa ang tanong kung patuloy pa ring kinukumbinsi ng PDP-Laban si Mayor Sara na maging standard bearer ng partido.

“I don’t know kung may pinag-uusapan sila. Basta ako, I am running to become the next president of the Republic of the Philippines,” ani dela Rosa.

Mariin din nitong itinanggi na panggulo lang sa eleksiyon ang ginawa niyang pagtakbo sa pagka-pangulo.

“Why? Do I look like a mockery to you? I won as senator. No. 5 ako in the last elections. Is that a mockery? Is it a mockery to the 19 million Filipinos who voted for me as senator of this republic?” sagot ng senador sa nagtanong na reporter.

“Napakainsulto naman ng tanong na iyon di ba?” sabi pa nito.

Samantala, sa gitna ng mga panawagan ng kanyang mga tagasuporta na tumakbo siya sa 2022 presidential election ay inihayag kahapon ni Mayor Sara na nais niyang tumakbo uli sa pagka-alkalde.

“I am presenting myself to the Dabawenyos as mayor for the third and last time in my life as a politician. I call on everyone to work together for an honest, orderly, and credible elections in May 2022,” pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook post. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.