Abante Tonite Interactive

Bato at semento

MIRO ON THE WALL

By
1,012

Nag-viral kamakailan sa social media ang isang picture kung saan makikita ang dalawang kabataan na nag-go-golf sa under repair na sementadong kalsada. Ginawa nilang mga golf hole ang mga butas at pina-putt nila rito ang golf ball.

Funny, oo, nakatatawa pero isa itong mapait na komentaryo sa estado ng mga infrastructure project, lokal man o pambansa. Nakakalungkot.

Noong unang araw ng pasukan, naging laman ng TV ang mga balita tungkol sa matinding pagsisikip ng traffic sanhi ng hindi matapos-tapos na mga road project sa ilang lungsod sa Metro Manila na ina­butan na ng bagong school year.

Dahil dito, ang mga bata ay na-late sa kanilang unang klase ngayong taon. Nagalit tuloy ang mga nanay at tatay na naghatid ng kanilang anak sa eskuwela. Excited pa naman sila pare-pareho. Da­may pati ang mga manggagawa at empleyado dahil hindi sila nakapag-time-in nang maaga sa kanilang pinapasukang trabaho. Ang mga traffic enforcer naman, napa­kamot-ulo na lang.

Nangyari ang tagpo noong first day of school bilang isang resulta ng kasalatan sa vision o perspective pagdating sa mga infrastructure pro­ject. Sana hindi tingnan na ‘bato at semento’ lang ang mga ipinatutupad na mga proyektong pang­kaunlaran saan mang dako ng bansa. Hindi ba kapag bato, malamig at matigas ito?

Para sa akin, ang pagpapagawa ng mga infrastructure project, tulad ng mga road network o drainage o school building o multi-purpose hall, ay pag-i-invest sa mga tao. Namumuhunan ka sa pag-angat ng kalidad ng kanilang pamumuhay.

Namumuhunan ka para sa kanilang dangal at dignidad. Base na rin sa mga pag-aaral ng mga eksperto, ang mga ­serbisyong pang-imprastruktura ay isang paraan upang malaba­nan ang kahirapan; magkaroon ang mga tao ng trabaho at oportunidad; at umunlad ang ekonomiya. Klarong-klaro sa akin ito. Ito ang nasa puso ko.

Noong 2009, bago ang pagpasok ko sa politika, ang Barangay Tumana ay isang komunidad na maputik at konting ulan lang ay binabaha na. Mababa ang moral ng mga re­sidente, lalo’t na-Ondoy pa sila. Sa kasalukuyan, 93% ng kalsada rito ay nasemento na gamit ang national budget na ipinaglaban ko sa Kongreso sa tuwing may budget deliberation.

Kapag nagpupunta ako ngayon sa Tumana kapag may district work ako, ibang-iba na ang buhay nila, napa­kasaya nila. Ang sabi pa nga nila sa akin, malapit na nilang palitan ang pangalan ng kanilang lugar, tatawagin na raw nila itong ‘Lower Loyola Grand Villas.’
‘Di ba ang ganda?